Luis Manzano may 4 tips para labanan ang COVID-19
NAGBAHAGI ng apat na tips ang TV host-comedian na si Luis Manzano para patuloy na makaiwas sa COVID-19 at habang nasa enhanced community quarantine pa rin ang Luzon.
Unang-una pa rin aniya ang palaging paghuhugas ng kamay sa tamang paraan para masigurong walang kakapit na anumang uri ng virus sa katawan.
“Parati tayong maghugas ng kamay, mga 20 seconds. Ang gamit natin ay tubig, sabon, alcohol o ‘di kaya mga alcohol-based rub. Gamitin talaga natin sa buong kamay. Siguraduhin natin na buong kamay ay nalilinis natin,” paalala ng I Can See Your Voice host.
Ikalawa, kahit daw nasa bahay lang sundin pa rin ang utos ng Department of Health sa tamang paraan ng pag-ubo o pagbahing.
“Kapag babahing kayo, either takpan niyo, umatsing or umubo kayo sa may siko ninyo o hindi kaya ay pababa para hindi madamay ang ibang tao kung saka-sakali man na kayo’y aatsing or kayo’y uubo,” sey ni Luis.
Ikatlong tip ng boyfriend ni Jessy Mendiola ay ang patuloy na pagsunod sa social distancing, “Kumbaga ang layo natin sa ibang mga tao ay mga three feet. Ibig sabihin, kung sakali man na kayo ay babahing or uubo, kahit paano ay malayo sila. At ganoon din, kung sila ay aatsing or uubo, medyo malayo kayo. Kahit paano, mas safe kayo.”
Sumunod dito ay ang panawagan ni Luis na huwag magsawang mag-share ng blessings ngayong panahon ng krisis.
“Tumulong tayo sa napakaraming kapamilyang apektado ng COVID-19. Kailangan nila ng pantawid na donasyon at pagmamahal. Kaya kapamilya, sa ating lahat, stay strong, stay healthy, stay one step ahead sa COVID-19. God bless.”
Samantala, patuloy pa ring napapanood ang mystery game show na I Can See Your Voice sa ABS-CBN tuwing Sabado after Maalaala Mo Kaya.
At dahil nga natigil na rin ang taping ng programa ni Luis, ibabalik ng produksyon ang mga hindi malilimutang episodes ng ICSYV. Last Saturday, napanood ang guesting ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano.
Abangan bukas ng gabi ang isa pang espesyal na throwback episode ng favorite tambayan n’yo every Saturday night.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.