SSS unemployment insurance gawing 6 months
UMAPELA si Cebu Rep. Eduardo Gullas sa Social Security System na gawing anim na buwan ang ibibigay nitong unemployment insurance cash payments sa mga matatanggal sa trabaho bilang epekto ng coronavirus disease 2019.
“Retrenched workers should ideally receive cash benefits for a period of up to six months, because studies have shown that they need the same number of months on average to find a new job,” ani Gullas.
Ang ibinibigay ng SSS sa kasalukuyan ay dalawang buwan. Ito ay bigay at hindi babayaran sa SSS.
Ang insurance ay kalahati ng average monthly salary credit ng empleyado na naalis sa trabaho. Kung P20,000 ang sahod ng empleyado makakukuha siya ng P10,000 bawat buwan o kabuuang P20,000 sa loob ng dalawang buwan.
Nais ni Gullas na magbigay din ang SSS ng one-time “child support insurance” cash aid para sa mga miyembro ng SSS na matatanggal sa trabaho at mayroong anak na wala pang 21 taong gulang.
Ang child support insurance naman ay kalahati rin ng average monthly salary credit.
Ang mga kuwalipikadong empleyado ay ang mga nakapagbayad ng 36 na buwang monthly contribution.
Nauna ng sinabi ng Department of Finance na ang SSS ay handang magbigay ng P1.2 bilyon para sa 60,000 manggagawa na natanggal sa trabaho dahil sa COVID-19 outbreak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.