Kris nagbigay ng 25 sako ng bigas para sa mga trike driver sa Puerto Galera
NAG-DONATE ng 25 sako ng bigas si Kris Aquino para sa mga tricycle driver na nawalan ng trabaho sa Puerto Galera.
Kasalukuyang nasa resort ni Willie Revillame sa Puerto Galera si Kris kasama ang dalawang anak na sina Joshua at Bimby.
Doon muna sila maninirahan habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon. Ayon kay Kris, na-in love na siya sa nasabing lugar dahil bukod sa napakaganda ng beach ay mababait at marespeto pa ang mga tagaroon.
Sa kanyang Instagram account, ibinalita ni Kris na nagbigay siya ng 25 sako ng bigas sa local government unit ng Puerto Galera upang ibahagi sa mga tricycle drivers na natengga ang pamamasada dahil sa enhanced community quarantine.
“I am posting this hindi para magpa bida. Kasi konti lang ito, dapat 100 sacks of rice pero malayo ako and hindi maka withdraw ng mas malaki because more than 1 hour away yung mga bangko where I have accounts kaya umaasa muna sa ATM,” pahayag ni Kris.
Nakiusap din ang TV host-actress sa iba pang tao na may kakayahang tumulong lalo na sa mga trabahador na nawalan ng trabaho na namomroblema kung saan kukunin ang kakainin sa loob ng isang buwan.
“Magdamayan tayo ngayon dahil LABAN nating lahat ang COVID-19. Hindi tama na ang mga kapwa Pinoy ay magutom sa panahon ng lockdown dahil ‘yung daily wage earners hindi makapagtrabaho,” bahagi pa ng caption ni Kris.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.