Christopher de Leon malapit nang gumaling; pero hindi nakaligtas sa fake news
MALAKI na ang nabawas sa kanilang bilang pero may mga kababayan pa rin tayong namba-bash at nagpapakalat ng mga fake news.
Nakalulungkot lang isipin na habang naliligalig na ang buong mundo dahil sa matinding salot ng bayan ngayon na COVID-19 ay may mga tao pa ring hindi tinatablan ng kilabot sa katawan.
Nagpapagaling na ngayon si Christopher de Leon na tinamaan ng virus, naagapan ang kanyang sitwasyon, dahil sa maaga niyang pagboboluntaryong magpagamot nang malaman niyang kakaiba ang kanyang nararamdaman.
Maraming salamat dahil maayos na ang kanyang kalagayan ngayon, ang kanyang pamilya ay ganu’n din, kinukumpleto ni Sandy Andolong at ng kanilang anak ang pagse-self quarantine.
Pero may mga nagpapakalat ng kuwento na dahil daw sa nangyari kay Boyet ay nadedelikado na rin ngayon ang buhay ng kanyang mga kasamahang artista sa seryeng Love Thy Woman.
Malinaw ang naging komunikasyon ni Boyet at ng ABS-CBN, anuman ang nangyayari sa kanyang mga kasamahan ay kailangang ipagbigay-alam sa kanya, napakahalaga sa aktor ang kaligtasan ng kanyang mga kapwa artistang may direktang contact sa kanya sa taping.
Ilang araw pa ay uuwi na si Boyet, isang test na lang ang kanyang hinihintay ang resulta, pero kung ang pagbabasihan ay ang mga naunang tests ay malaki ang posibilidad na sa bahay na lang siya magpapagaling.
Sana’y maintindihan ng mga nagpapakalat ng fake news na hindi biro-biro ang panahong ito. Bukod sa sobrang nerbiyos ng mga positibong kinapitan ng COVID-19 ay ginugulo pa sila ng kanilang mga kunsensiya dahil inaalala nila ang mga taong maaaring mahawa rin sa kanila.
Napakabigat dalhin ng ganu’n, kargo de konsensiya nila ‘yun, kaya sana’y pagaanin na lang natin ang matinding paghamong pinagdadaanan nila ngayon.
mmTantanan na ang fake news, asikasuhing mabuti na lang ang kanilang mga sarili, sundin nila ang payo ng DOH at ng ating pamahalaan para makaiwas sila sa mapamuksang virus na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.