‘DOTS PH’ fans nabitin sa lindol episode: Madugo, buwis-buhay, pero worth it!
BITIN na bitin ang Kapuso viewers sa “cliffhanger” episode ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) last Wednesday.
Ipinalabas na kasi ang isa pa sa mga iconic scene sa serye na talaga namang iniyakan ng mga nakapanood sa Korean version nito. Ito yung earthquake scene sa Urdan na yumanig sa mundo ng Alpha Team nina Capt. Lucas (Dingdong Dantes) at TSgt. Diego (Rocco Nacino) pati na ng medical team ni Doc Beauty (Jennylyn Mercado).
Kaya nga lang, pansamantala munang hindi mapapanood sa GMA Telebabad ang DOTS dahil natigil na rin sa taping ang buong production ng serye sanhi ng coronavirus disease o COVID-19.
Napanood namin ang original DOTS at ang earthquake scene talaga ang isa sa masasabi naming puso ng serye dahil napakaraming mangyayari rito na siguradong magmamarka sa manonood, lalo na ang gagawing rescue operation ng Team Alpha at ng grupo nina Doc Maxine.
Ayon nga kay Rocco, ang earthquake scene sa DOTS PH ang isa sa most challenging na ginawa nila nina Dingdong, as in buwis-buhay din ang peg ng cast at ng production.
“Naku, sa wakas, mapapanood na namin ‘yung pinaghirapan naming situation sa Urdan,” sabi ng aktor sa panayam ng GMA.
“This is the time na talagang binigyan namin ng oras, pagod, puyat, lalo na summer na, kasi ginawa namin ang mga eksena papasok ng summer.
“So the strain sa aming katawan, grabe, nakakapagod talaga but I’m sure worth it siya kasi ang ganda ng mga shots,” sabi pa ng Kapuso hunk. Dito raw ipakikita kung paano itinataya ng mga sundalo ang sarili nilang buhay para sa kapakanan ng kanilang kapwa.
“Ma-e-expect ng mga Kapuso natin dito ‘yung aksyon, of course, ‘yung pagiging heroic ng Alpha Team. Hindi lang ng Alpha Team, ng medical team as well.
“So makikita nila kung paano sila magwo-work together para ma-save ‘yung mga taong nasalanta sa earthquake scene na ito,” pahayag pa ni Rocco.
Pagpapatuloy pa niya, “Siyempre kakaibang take ‘to sa original version. We adapted the story pero napaganda pa natin with our Filipino setting.
“Madugo ‘yung mga eksena, kailangan ko mag-operate ng heavy equipment, mga ganu’n.
“Tapos talagang maalikabok, ang dumi-dumi namin pero binigyan namin talaga ng oras ‘yung mga shots para maramdaman ng mga Kapuso nating manonood ‘yung hirap na pinagdaraanan ng Alpha Team para ma-save ang mga tao,” lahad pa ng Kapuso hunk.
Pero yun nga, kailangan muna tayong maghintay ng ilang linggo bago mapanood ang mga susunod na episode ng DOTS PH sa GMA Telebabad dahil naka-taping break nga ang production sanhi ng ipinatutupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon region.
Ang requel ng hit Kapuso telefantasya na Encantadia muna ang papalit sa DOT. Maaari namang mapanoood ang full episodes ng DOTS sa GMANetwork.com at GMA Network app.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.