Ending ng ‘Sandugo’ nina Aljur at Ejay pasabog
Magkakaisa bilang magkadugo sina Ejay Falcon at Aljur Abrenica sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang ama sa huling linggo ng “Sandugo.”
Matapos isakripisyo ni Eugene (Ariel Rivera) ang buhay niya para kay Leo (Aljur), sisisihin ni JC (Ejay) ang kapatid dahil ito ang nagdala papalapit sa kaaway ng ama nilang si Ulysses (Gardo Verzosa).
Sa walang-tigil na paghingi ng tawad ni Leo dahil sa nangyari, nangako ito na gaganti kay Ulysses at tetestigo laban sa sindikato niya—kahit pa ang kapalit ay siya mismo ang makukulong.
Maiipit din si Cordelia (Vina Morales) sa away ng kanyang asawang si Ulysses at anak-anakang si Leo, lalo pa’t alam niyang hindi titigil ang kanyang asawa hangga’t sa isa na lamang sa kanila ang matitirang buhay.
Sa pagkilos naman nina JC at Leo upang mapabagsak ang sindikato, idadamay ni Ulysses si Joan (Cherry Pie Picache) at ang mapapangasawa ni Leo na si Grace (Elisse Joson) sa kanyang masasamang balak.
Ang “Sandugo” ay mula sa direksyon nina Darnel Joy R. Villaflor at Ram Tolentino at produksyon ng Dreamscape Entertainment.
Sundan ang huling mga tagpo ng sakripisyo, kapatawaran, at pagmamahal sa pamilya sa nalalapit nitong pagtatapos ng “Sandugo,” sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.