GINULAT ni Tarlac Central Luzon team captain Ryan Tugawin ang kanyang mga nakatunggali matapos magwagi sa 154.5 kilometrong Stage Two ng 2020 LBC Ronda Pilipinas nitong Lunes.
Naungusan ni Tugawin si Ismael Grospe, Jr. ng Go for Gold para maitala ang kanyang unang lap victory sa karerang nagsimula sa Sorsogon at nagtapos sa harap ng Legazpi City city hall.
Ibinuhos ng 30-anyos na si Tugawin ang nalalabing lakas para maungusan ang 21-anyos na si Grospe at makuha ang panalo sa taunang karera na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation.
Tumapos sa ikalawang puwesto si Grospe habang pangatlo si George Oconer ng Standard Insurance-Navy kung saan nagtala sila ng kabuuang oras na tatlong oras, 50 minuto at 37 segundo kasabay ang peloton na naabutan ang five-man lead pack na kinabibilangan ng mga dating kampeon na sina Jan Paul Morales at Ronald Oranza ng Navy at Mark Galedo ng 7Eleven Cliqq-Air21.
Binuo naman nina Rustom Lim (6:56:40), Galedo (6:56:47), Aidan James Mendoza (6:56:54), Marcelo Felipe (6:56:56) at Mervin Corpuz (6:56:56) ang top 10 finishers.
Napanatili naman ni Stage One winner Mark Julius Bordeos ng Bicycology-Army ang kapit sa LBC red jersey na simbolo ng paghawak sa liderato sa natipong oras na 6:56:34 .
Kasunod naman niya sina ng Scratch It cyclist Jerry Aquino, Jr. (6:56:37) at Oconer (6:56:40).
Lalo namang iinit ang karera sa pagpapatuloy ngayon ng karera sa pagratsada ng 119-kilometrong Legazpi-Naga Stage Three.
Samantala, sinabi ni LBC Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani na ang Stage Six at Seven ay ililipat ngayong weekend sa Tarlac City.
“In behalf of the LBC Ronda Pilipinas, we would like to thank Pangasinan Governor Amado Espino III and Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil for the invitation to hold two stages there,” sabi ni Chulani sa isang pahayag. “Unfortunately, due to circumstances beyond our control, they have decided to cancel all events including sports activities. In lieu of this, we went to Tarlac City to hold Stages Six and Seven to complete our scheduled 10 stages.”
“For sure, we will come back to Pangasinan, the cradle of cycling in the Philippines where most of the past champions came from,” sabi pa ni Chulani.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.