ABS-CBN franchise matatalakay pagkatapos ng SONA?
MAAARING sa pagtatapos na ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte magsimula ang pagtalakay sa aplikasyon ng ABS-CBN na ma-renew ang prangkisa nito.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano dalawang opsyon ang kanilang tinitignan kung kailan magsasagawa ng pagdinig ang House committee on legislative franchise.
“There are two options, one is that depende kung ano matapos namin in the next three weeks and a the longer option, right after SONA. Kasi ang session namin ng January to March maiksi, ang session namin ng Mayo maiksi rin, ang pinakamahaba natin is yung July hanggang mag-adjourn ng October,” ani Cayetano.
Sinabi niya na “hindi ito teleserye na magandang bitin” ang pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN.
“Unlike teleserye na lamang ang network kapag maganda ending at medyo bitin, hinahanap-hanap mo yung season 2 eh di ba? Pero dito sa Kongreso, in my experience mas mabuti na inumpisahan natin, tapusin na natin.”
Iginiit muli ni Cayetano na nais niya na makapagsalita ang lahat ng pabor at tutol sa panukala bago magdesisyon ang komite kung ire-renew ang prangkisa o hindi.
Sa Marso mage-expire ang prangkisa ng ABS-CBN subalit naniniwala ang liderato ng Kamara de Representantes na maaari pa ring magpatuloy ang operasyon nito hanggang nakabinbin ang aplikasyon at hindi pa ibinabasura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.