Cristine, Xian ‘halimaw’ ang akting sa ‘Untrue’, mapapasigaw ka sa ending!
GETS na namin kung bakit R-16 (without cuts) ang ibinigay na rating ng MTRCB sa bagong psychological-drama-thriller ng Viva Films na “UnTrue”.
Bida rito sina Xian Lim at Cristine Reyes na gumaganap na mag-asawa sa kuwento at sa direksiyon ng “Kita Kita” writer-director na si Sigrid Andrea Bernardo.
May special participation din dito ang Viva artist na si Rhen Escano na siguradong pag-uusapan din ng mga manonood dahil sa “katapangang” ipinakita niya sa pelikula.
Bukod sa mga bayolenteng eksena nina Cristine at Xian, matindi rin ang mga love scene at laplapan na ginawa nila sa “UnTrue” kaya expected na ng Viva at ni Direk Sigrid na R-16 ang ibibigay dito ng MTRCB.
Matapos naming mapanood ang pelikula sa ginanap na premiere night nito the other night sa Estancia Mall cinema 2, mas naintindihan namin kung bakit medyo naging istrikto ang mga taga-Censors sa pagre-rate rito.
Ginagampanan nina Cristine at Xian ang mga karakter nina Mara at Joaquim, dalawang Filipino migrants na nagkakilala sa Georgia at nagkainlaban hanggang sa magpakasal kahit hindi pa nila masyadong kilala ang isa’t isa.
Sa simula pa lang ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa magkakaroon na agad sila ng pagtatalo na mauuwi sa matinding awayan at bugbugan. Parehong susugod sa istasyon ng pulis ang mag-asawa at aakusahan ang isa’t isa ng pagiging baliw!
Dito na rin mababaliw ang manonood sa kaiisip kung sino ba talaga kina Mara at Joaquim ang tunay na sira-ulo at kung sino ang nagpapanggap lang at nagsasabi ng totoo.
In fairness, unpredictable ang kuwento ng “UnTrue” kaya huhulaan mo talaga kung ano ang susunod na mangyayari at paano matatapos ang masalimuot na kuwento ng mag-asawang praning.
Tama ang sinabi ni Direk Sigrid na acting piece ang “UnTrue”. Parehong magaling sina Cristine at Xian at hindi na kami magtataka kung humakot ng awards ang pelikula sa susunod na awards season. Lalo na si Cristine na napakahirap ng role dahil napakarami niyang ipinakitang emosyon sa movie bilang isang babaeng palaban na napakalalim ng hugot sa buhay.
Kaya hindi namin masisisi ang dalawa, pati na si Direk Sigrid kung nagkaroon man ng tensiyon at pikunan habang sinu-shoot nila ang pelikula.
Napakaganda rin ng cinematography ng “UnTrue” na kinunan pa sa bansang Georgia. Ayon kay Direk Sigrid, sa Georgia sila nag-shooting dahil, “Kailangan sa kwento na konti lang ang Pinoy kaya nag-migrate doon yung mga lead characters. Actually, there were only 30 Filipinos living in Georgia.”
Pero ang talagang revelation sa movie ay si Rhen Escano na talagang nagbuyangyang ng katawan sa isang eksena niya with Xian. Kung ano ang naging kaugnayan nila sa isa’t isa, yan ang dapat n’yong abangan. At sure rin kami na ikaka-shock n’yo ang ending ng “UnTrue”.
Basta ang masasabi lang namin, siguradong masa-shock kayo sa nasabing eksena. Ang tanong, ano kaya ang magiging reaksyon ng girlfriend ni Xian na si Kim Chiu kapag napanood niya ito?
Nauna nang tumanggap na papuri ang pelikula nang ipalabas ito sa Tokyo International Film Festival last October, along with seven other notable Filipino films.
Kaya kung gusto n’yong makapanood ng mala-Hollywood psycho-drama-thriller movie, watch na ng “UnTrue” mula sa Viva Films at IdeaFirst Company. Showing na ito ngayong araw sa mga sinehan nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.