WALA pang dapat ipagsaya ang Gilas Pilipinas at mga panatiko nito kahit pa nakapasok na sa second round ang koponan sa 27th FIBA Asia Men’s Championship sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Malayo pa ang kailangang marating ng pambansang koponan para matupad ang misyon nitong makakuha ng isa sa tatlong slots para sa FIBA World Cup na gaganapin sa Madrid, Spain sa 2014.
“I think we’re fooling ourselves if we allow ourselves to be happy,” wika ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes. Tinalo ng Gilas ang Jordan Biyernes ng gabi, 77-71, para sa ikalawang panalo sa dalawang laro.
Kalaro ng koponan ang wala pa ring talong Chinese Taipei kagabi at ang mananalo dito ang tatanghaling lider ng Group A.
Sakaling nanalo man kagabi ang Gilas ay wala pa rin itong saysay dahil patindi nang patindi ang makakatapat nito sa susunod na mga araw.
Magpapahinga ang aksyon sa torneo ngayon at babalik bukas para sa panimula ng second round elimination. Ang Pilipinas, Chinese Taipei at ang magwawagi sa laban ng Jordan at Saudi Arabia kagabi ay uusad sa round 2.
Mapapasama sila sa grupong kinabibilangan ng Japan, Qatar at Hong Kong na galing naman sa Group B. Ang mangungunang apat na koponan ay uusad sa knockout quarterfinals.
Dito na masusukat ang tunay na husay ng Gilas Pilipinas dahil maka-kasagupa na ng koponan ang mga malalakas na team sa kabilang grupo tulad ng Korea, Iran, Kazakhstan, Qatar at nagdedepeansang kampeong China.
“This is not a sprint race. This is gonna be a long drawn out race and the way to go deep in this race is to continue to get better. I felt we are better tonight than last night but there’s a lot of room for improvement.
Hopefully, we can be better tomorrow,” ani Reyes. Samantala, bumangon ang Korea mula sa pagkakadapa sa Iran nang pabagsakin ang Malaysia, 80-58, sa pagtatapos ng first-round elimination kahapon.
Si Seung Jun Lee ay mayroong 18 puntos at 9 rebounds para pamunuan ang Koreans na tinapos ang aksyon sa Group C bitbit ang 2-1 karta.
May 25 puntos si Tian Yuan Kuek para sa Malaysia (0-3). Kinumpleto naman ng Kazakhstan ang 3-0 sweep sa Group D sa pamamagitan ng 80-67 panalo sa India.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.