Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NAPIKON si Sen. Noynoy Aquino sa debate na inisponsor ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) dahil kinikilingan daw ng moderator ang kanyang mahigpit na karibal, si Sen. Manny Villar.
Ipinakita ni Noynoy and kanyang pagkainis kay Tony Lopez, publisher ng BizNewsAsia, na nagsilbing moderator sa debate ng mga “presidentiables.”
Pinrotesta ni Noynoy ang pagbaligtad daw ni Lopez ng hanay ng mga kandidato kung sino ang mauunang magbigay tugon sa mga katanungan ng mga nasa audience.
Sinabi ni Lopez: “Kailangan ay handa ang isang lider sa mga pangyayaring hindi inaasahan.”
Sagot naman ni Noynoy: “Lalo na kung ang moderator ay may kinikilingan na gaya mo.”
Hindi maganda ang dating ni Noynoy sa mga nakikinig sa debate.
Tiyak na marami sa kanila, na undecided pa kung sino ang kanilang iboboto, ay nawalan ng gana kay Noynoy.
Karamihan sa audience ay mga business leaders na maraming empleyado na maaaring sabihin sa kanilang mga tauhan na huwag iboto si Noynoy dahil sa kanyang inasal.
Dapat tandaan ng mga presidentiable at ibang mga kandidato na lahat ng kanilang kilos sa publiko ay minamatyagan ng taumbayan.
Kaunting pagkakamali nila sa campaign trail ay nagiging malaking bagay para sa mga botante.
Tama si Lopez: Ang isang mahusay na lider ay hindi natitinag kung ano mang di inaasahang pangyayari ang biglang sumulpot.
Ang isang taong madaling mataranta sa krisis ay di bagay maging lider ng bansa.
Kung sa maliit na bagay, gaya ng nangyari sa PCCI debate ay naapektuhan si Noynoy, lalo na kung hinaharap niya ay isang krisis na makakaapekto sa sambayanang Pilipino.
A good leader must always be cool under pressure.
* * *
Maraming boto ang nawala kay Fernando Poe Jr. nang nagtaray siya sa mga reporters sa campaign trail noong 2004 presidential election kung saan ay kalaban niya si Pangulong Gloria.
Ang pinakapalpak na ginawa ni FPJ ay pagalitan niya ang isang babaeng reporter na nagkokober sa kanya sa harap mismo ng maraming tao.
Nakita ng maraming botante ang tunay na pagkatao ni FPJ: Hindi pala siya mabait na gaya ng ginagampanan niya sa kanyang mga pelikula.
Kaya’t nang manalo si GMA, hindi nagprotesta ang sambayanan dahil nga sa nakita nilang inasal ni FPJ.
Nagkaroon na lang ng protestang malawakan nang lumabas ang “Hello Garci” tape, kung saan kinokotsaba ni Gloria ang isang Comelec commissioner na dayain ni FPJ.
Kung hindi sa “Hello Garci” tape makakalimutan ng taumbayan ang ginawang pandaraya ni GMA noong 2004 election.
* * *
Labingtatlo katao ang napatay sa banggaan ng trak at jeepney sa Piat, Cagayan.
Karamihan sa mga nasawi ay mga estudyante.
Ayon sa imbestigasyon mabilis ang takbo ng trak nang pumutok ang goma nito, gumiwang-giwang at bumangga sa jeepney.
The accident could have been prevented kung merong mga pulis na nagpapatrol sa highway.
Pero walang silbi ang PNP Traffic Control Unit (Trafcon), na ang tawag dati ay Highway Patrol Group.
Kung hindi nagkakamot ng kanilang mga bayag sa airconditioned offices ang mga miyembro ng Trafcon ay nagdidilihensiya ang mga ito sa mga sasakyang overloading.
BANDERA, 021810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.