ISANG sundalo ang nasawi at dalawang pulis ang nasugatan nang magbarilan sa Marikina City, Biyernes ng umaga.
Napatay si Ssgt. Marvin Balucas, miyembro ng Armed Forces, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office.
Sugatan naman sina EMsgt. Demetrio Magpali at Ssgt. Edward Yap, na kapwa tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.
Naganap ang insidente sa kalye na papasok sa Riverbanks Center mall, malapit sa A. Bonifacio ave., Brgy. Barangka, dakong alas-11:30.
Papasok sa mall sina Magpali at Yap habang magkaangkas sa motorsiklo, nang biglang harangin at paputukan ng lalaking sakay ng isa pang motor.
Dahil dito’y gumanti ang mga pulis at napatay ang gunman, na sa huli’y nakilala sa pamamagitan ng mga identification card bilang si Balucas.
Unang dinala ang mga sugatang pulis at napatay na sundalo sa Amang Rodriguez Hospital.
Inilipat sina Magpali at Yap sa isang pagamutan sa Maynila para malapatan ng karagdagang lunas ang mga tinamong tama ng bala sa ulo, katawan, at binti.
Inaalam pa ng Marikina City Police ang pinag-ugatan ng insidente, ayon sa NCRPO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.