MAGANDA ang simula ng Bagong Taon para sa Kapuso Action Drama Prince na si Ruru Madrid.
Sa pagpasok ng 2020, inilabas ang bagong single ng Kapuso hunk, ang “Maghihintay” under GMA Music.
Sa komposisyon ni Mark Atienza, ang “Maghihintay” ay tungkol sa isang lalaking handang hamakin ang lahat kahit na maghintay nang matagal para sa tamang panahon na makasama ang babaeng minamahal.
Ayon kay Ruru, nakakakilig at relatable ang bago niyang single, “Hindi siya hugot na masakit, makakapagbigay siya ng hope. Masarap pakinggan, feel-good. Para siya sa mga taong hoping doon sa taong gusto nila makasama habambuhay.”
Last year, ini-release ang kanyang debut single na “Nawawala” na naging theme song naman ng mga tulad niyang naghahanap pa rin ng kanilang “the one.”
Ang “Maghihintay” ay puwede nang mapakinggan at available na sa Spotify, Apple Music, YouTube Music, at iba pang digital stores worldwide.
Samantala, sa panayam ng GMA ay nasabi ni Ruru na na handa siyang maghintay para sa babaeng nakatakdang makasama niya sa buhay. Sanay na naman daw siyang naghihintay dahil mula naman daw pagkabata ay lagi siyang naghihintay lalo na sa kanyang career.
“Naghintay lang ako ng tamang pagkakataon and then, eventually, naging artista ako, nakapasok ako sa industriyang ito. And then akala ko tapos na ‘yung paghihintay, hindi pa dahil of course sa mga project naman, maghihintay ka ‘di ba.
“Ganu’n din when it comes to career and when it comes to kumbaga personal, nangyayari din. I mean, tayo siyempre nai-in love tayo and then sometims, kumbaga, pagbabawalan tayo na maging, alam mo ‘yun, manligaw or what. Pero kailangan maghintay sa tamang pagkakataon para gawin mo ‘yun ‘di ba.
“Right projects. Right projects and at the same time, of course, lovelife. Di ba, I mean, kailangan mo hintayin ‘yan, e. Dati agresibo ako, e. Kapag may gusto ako, talagang ibubuhos ko lahat. Kapag may maisip akong gawin, gagawin ko nalang agad. Pero I think bawat bagay kailangan mo maghintay sa tamang pagkakataon dahil lahat ng mga bagay may right timing,” lahad pa ng hunk singer-actor.
Sa ngayon, naghahanda na rin si Ruru sa pagbabalik niya sa pag-arte. Siya ang bibida sa bagong News and Public Affairs series na “Lolong” kung saan makakasama niya ang mga Kapuso sexy actress na sina Sanya Lopez at Kim Domingo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.