Sol Mercado nakuha ng Phoenix Fuel Masters
MULING nagdagdag ng beteranong manlalaro ang Phoenix Fuel Masters para mapalakas ang kampanya nito sa Philippine Cup sa papasok na ika-45 season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Nakuha ng Fuel Masters ang three-time champion na si Solomon Mercado mula sa NorthPort Batang Pier kapalit nina LA Revilla at Rey Guevarra sa isang trade na inaprubahan ng PBA nitong Lunes ng hapon.
Maghahatid si Mercado ng playoff at finals experience para sa Phoenix na binubuo ng mga batang players.
Naging mahalagang piyesa ang defensive playmaker na si Mercado sa naging title run ng Barangay Ginebra Gin Kings noong 2016 hanggang 2018 bago lumipat sa NorthPort na nagawang gulatin ang top seed NLEX Road Warriors sa katatapos na PBA Governors’ Cup.
Sasalang naman sina Revilla at Guevarra sa Batang Pier na nangangailangang magpalakas ng husto matapos mawala si top rookie Robert Bolick bunga ng natamong injury at ang pagpasok ni star forward Christian Standhardinger, na pinarangalan bilang Best Player of the Conference ng Governors’ Cup.
Ang 35-anyos na si Mercado ay ang ikalawang guard na nakuha ng Phoenix sa loob lamang ng apat na araw. Nauna nang nakuha ng Fuel Masters noong Huwebes si Brian Heruela mula sa Blackwater Elite kapalit ni Ron Dennison.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending