Standhardinger waging Best Player of the Conference; Durham nakuha ang ikatlong Best Import award
PINARANGALAN si NorthPort Batang Pier forward-center Christian Standhardinger bilang Best Player of the Conference habang nakuha ni Meralco Bolts import Allen Durham ang kanyang ikatlong Best Import award sa ginanap na awarding ceremony bago ang Game 4 ng 2019 PBA Governors’ Cup Finals Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Si Standhardinger, na nagsilbing substitute big man ng San Miguel Beermen bago nai-trade sa NorthPort, ay nag-average lamang ng 5.6 puntos at 3.2 rebounds bago inilabas ng todo ang husay sa paglalaro sa paglipat niya sa Batang Pier.
Nagtala si Standhardinger ng 22.7 puntos at 12.8 rebounds para ihatid ang Batang Pier bilang ikawalong seed sa playoffs sa hawak na 5-6 kartada.
Sa pangunguna ni Standhardinger, ginulat ng Batang Pier ang top seed NLEX Road Warriors sa quarterfinals bago yumuko sa Barangay Ginebra Gin Kings sa semifinals.
Pinamunuan naman ni Durham ang Bolts na nakubra ang ikalawang seed (8-3) at ikinasa ang Finals series kontra Gin Kings matapos igupo ang TNT KaTropa at Alaska Aces.
Ang 6-foot-5 import na si Durham ay nag-average ng 29.8 puntos, 15.4 rebounds at 6.7 assists ngayong kumperensiya.
Tinalo ni Standhardingers para sa BPC award sina TNT guard Jayson Castro, Blackwater Elite swingman CJ Perez, NLEX guard Kiefer Ravena at San Miguel Beer center June Mar Fajardo.
Nanaig naman si Durham kina Justin Brownlee ng Barangay Ginebra, KJ McDaniels ng TNT at Michael Qualls ng NorthPort para mauwi ang Best Import award.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.