Sex, bulkan, sex | Bandera

Sex, bulkan, sex

Lito Bautista - January 17, 2020 - 12:15 AM

ANO’NG mga sagabal para sa kabutihan? Iyan ang Pagmamasid sa Ebanghelyo (1S1:9-20; 1S2:1, 4-8; Mc 1:21-28) sa kapistahan ni San Felix de Nola, Martes sa unang linggo ng taon.
***
Inabsuwelto raw ng Vatican ang kilalang pari ng pangmomolestiya sa dalawang sakristan. Hindi batid kung sino sa mga opisyal ng Vatican ang nagpawalang-sala sa pari, pero ang dekreto ay nilagdaan ng obispo sa Pinas, na pinaglingkuran ko pa sa nagdaang halalan. Nakagawian na ang ganitong pagdinig na may kinalaman sa sexual abuse ng mga pari ay mananatiling lihim at ni isang pahina ng pagsisiyasat o bista ay hindi ibinubunyag. Pinagpala ang paring inireklamo dahil ang kaso ay isinampa bago pa man hiniling ni Pope Francis na maging bukas at ipagtanggol ang mga biktima.
***
Pinagpala talaga ang paring ito dahil marunong siyang “umespada,” mangalap ng pera sa ngalan ng simbahan, hanggang sa nabuking siya ng malaking negosyante. Hindi siya naging pari rito, pero siya’y Pinoy at nakipagdilatan pa sa isang talk show host para lamang ipadama na siya’y nagsasabi ng katotohanan (ibang tema na naman, at hindi sekswal). Bukod sa ambo ng mga parokya’t kapilya, mistulang pulpito din niya ang ere. Marami ang naniwala’t nagtiwala, bagaman hindi pa panahon ng pagdating ng anti-Kristo. Muntik na siyang makapagmisa para sa mga maysakit sa isang pambansang dambana, pero nakatunog ang kura’t rektor nito kaya…
***
Dahil absuwelto sa kasong laman, ibinalik ang kanyang tungkulin sa healing ministry, sa kondisyong makikipag-ugnayan muna siya sa pamamahala. Pinatawad na rin daw ng pari ang mga sakristan na nag-akusa sa kanya. Pero, bakit niya aakusahan ang mga sakristan na naging sagabal sa kanyang ministriya kung walang poot na sumingaw sa pagitan ng mga bitak?
Hindi ko ginagawa ang mabuti na gusto kong gawin at nagagawa ko ang masamang ayaw kong gawin. Roma 7:19.
***
1976, sa isang press club. Namangha ako sa kayabangan ng isang lasing. Hindi naman masama, aniya, ang magyabang basta’t kaya at walang inaapi. Noong Enero 13, alas-9 n.u., pagkalipas ng 44 taon, inilubog ng abo ng bulkan ang kanyang magandang resthouse. Bigla niyang naalala ang kanyang mga kakilala/kaibigan. Lugmok na siya sa buhay at tanging ang lumang resthouse na lang, na may patabaing mga baboy sa likod-bahay, ang alaala ng kanyang karera, na nagbigay din naman ng malaking biyaya at kasaganaan. Ayon sa mga Ebanghelista, ang mayabang ay ibinababa at ang nasa ibaba ay itinataas.
***
Noong Nob. 2019, dumalo ako sa healing mass sa Parokya ng Birheng Lourdes sa Tagaytay, at sa di kalayuan ay ang magara at mamahaling condo. Marami pang unit ang basyo dahil sa mahal na presyo: P16 milyon sa sahig na wala pang 50 square meters (di pa kasama ang iba pang buwanang gastos kapag nakalipat na). Kung ang bibili ng pinakamaliit na unit ay pangit, magiging guwapo siya dahil sa prestihiyo na dala ng pangalan ng condo. Sige na nga, bumili ka na ng unit na may buhangin ng bulkan.
***
Ang tanyag na pari sa Cebu, Roy Cimagala, ay naniniwala na kailangang pag-usapan na sa publiko ang sex (Sex should not be taboo no more! The Freeman). Aniya, sinasamantala ng demonyo kapag ang tema ng sex ay taboo. Pero, kailangang talakayin ang sex nang may pag-iingat at kaalaman. Ang sex, aniya, ay biyaya ng Diyos. Naalala ko tuloy na ang Bandera ay dinudusta ng mga pari noon dahil sa siyentipikong kolum ni Dr. Margarita Go Singco-Holmes. Maingat at matalino rin naman ang pagtalakay ni Dr. Holmes sa sex at napakarami ang sumubaybay, at naniwala, sa kanya. Sa kabila ng ilang demanda kontra Bandera, walang moralista ang nagdemanda kay Dr. Holmes. Tama si Fr. Cimagala: maingat at maalinong pagtalakay sa temang sex.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion, Meycauyan, Bulacan): White board ang ginamit sa talakayan, dahil ang tema ay walang mahingan ng libreng hearing aid ang ilang mahihirap na matatanda.
Nahahawa raw sa matatandang bingi ang mga opisyal ng barangay at munisipyo kapag ang itinatanong/hinihingi ay hearing aid. Mahal ang instumentong ito at di kaya ng simbahang Katolika (maraming parokya rito ang kumakalinga sa matatanda, bukod sa ang mismong church workers ay senior din). Ang problema sa pandinig ay nadiskubre nang mag-field work ang mga estudyante ng isang kolehiyo. Bingi na nga ang matatanda, pero mas bingi pa pala ang gobyerno.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Saint Francis, Meycauayan, Bulacan): Isang tanyag na mamamahayag ang namatay kamakailan; nang di man lang naalala ang kanyang katanyagan noon. Hindi siya ang tema ng umpukan kundi kung may makaaalala pa sa kilalang pangalan, sa barangay man o sa bayan, kapag namatay na siya. May nagsabing wala nang pakialam sa kanya ang bagong henerasyon, nakaukit man sa barangay ang kanyang pangalan. May nagsabing dapat ay magpahinga na siya dahil hindi na siya mahalaga sa bagong sibol. Habang may bagong henerasyon taun-taon, mas lalong itinatabi sa limot ang may pangalan. Iyan daw ang buhay ngayon.
***
PANALANGIN: Panginoong Jesus, turuan Mo akong maging kalugud-lugod at maging matibay. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit galit ang mga radio anchors sa Maynila sa Angkas at nakamotor? Dito sa Mindanao, nakatutulong ang riders, lalo na sa liblib. …1882, Pakibato, Davao.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending