Request ni Igan: samahan ng cash ang taimtim na dasal
SAMAHAN ng cash ang hiling sa mga taong nagdarasal para sa biktima ng pagputok ng Taal Volcano.
Ayon sa Kapuso broadcast journalist na si Arnold Clavio, mas mainam kung magbibigay din ng financial assistance ang mga kababayan nating nakaaangat sa buhay bukod sa pag-aalay ng dasal.
Tama naman si Igan. Sana’y lagyan ng “aksyon” ang panawagang taimtim na dasal para sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Pero kapag kayo’y nag-donate, siguraduhin lamang na sa tamang foundation n’yo ito ibibigay. Alam n’yo naman ang panahon ngayon, marami pa rin ang mapagsamantala kahit sa gitna ng kalamidad at trahedya.
Si Angel Losin nga, bago magbigay ng tulong eh, nagpahingi muna ng ilang detalye tungkol sa mga kailangan ng ating mga kababayan sa Batangas. Inusisa niya talaga kung anu-anong barangay ang apektado at ilang pamilya ang meron kada barangay.
Si Ogie Alcasid na taga-Batangas din ay nagsabing ipadadala niya ang kanilang donasyon sa Philippine National Red Cross na naka-base sa Batangas.
Samantala, apektado naman si Vice Ganda sa namatay na kabayo dahil sa pagsabog ng Taal volcano.
Mensahe ni Vice sa kanyang Twitter followers nang mapanood ang isang video kung saan makikita ang kabayong napuruhan ng ashfall.
“Walang halong joke sobra akong nalungkot. Di ko na natapos ang video naiiyak ako,” bahagi ng tweet ni Vice.
* * *
Kabilang si Ruru Madrid sa mga celebrities na na-stranded pabalik ng Maynila dahil sa Taal Volcano eruption.
Galing sa Japan si Ruru and as of this writing wala pang balita kung nakabalik na siya ng bansa matapos ma-cancel ang flight nila.
Ilan pa sa mga artistang hindi agad nakabalik ng bansa matapos sumabog ang Bulkang Taal ay sina Rufa Mae Quinto at Manila Mayor Isko Moreno.
Sa kanyang Facebook live, ibinalita ni Yorme ang kanyang sitwasyon, “I’m about to go home, na-delay lang ho kami, hindi kami makasakay dahil wala pang clearance sa Manila.”
Ligtas namang nakabalik ng bansa ang alkalde at agad nakipag-meeting sa kanyang staff tungkol sa bagong kalamidad na kinakaharap ng Pilipinas.
Bahagi naman ng mensahe ni Rufa Mae nang ma-stranded sa HK, “Tinawagan ko ang asawa ko. Para makalma din ako. in fairness na kalma ako dahil sa kanya.
“Rufa May kalma Lang , go go go! Lord God please save the Philippines [sad face emoji],” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.