Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Jn 3:22, 4:6; Sal 2:7-8, 10-12; Mt 4:12-17, 23-25 ) sa kapistahan ni San Andres Besette, Lunes kasunod ng pagpapakita ng Panginoon.
***
Hindi palpak ang giyera ni Duterte kontra droga. Nag-iisa si VP sa nagsabing palpak ito. Ang mayorya ay sumusuporta na kay Duterte dahil nawala, lumayas o nakakulong na ang demonyong mga adik at tulak. Napakaraming demonyo at hindi sila maubus-ubos, kaya patuloy pa rin ang mga operasyon ng pulis at PDEA kontra droga. Wala na ngang nagdadalamhati sa pagkamatay ng mga adik at tulak, lalo na sa North Caloocan. Hindi na sila bumubulagta sa Bagong Silang at Camarin at sinasalubong na lang sila ng bala pagtawid sa San Jose del Monte City, Bulacan (salamat sa mga pulis ni Col. Castil).
***
Insanity is doing the same thing over and over again, but expecting different results, anang kasabihan. Patuloy pa rin sa panlilinlang si VP at ang malaking kasalanang iyan ay kinondena noon pa mang panahon ng Lumang Tipan at termino ng mga Ebanghelista. Para sa mga mananampalatayang Katoliko, di sila mabibitag ng panlilinlang ni VP dahil ang kanyang mga pahayag ay di kumikilala sa katotohanan at mas lalong di kumikilala sa Diyos base sa tudling ni San Juan apostol. Panahon pa naman ng pagpapakita ng Panginoon pero iba ang udlot na pagpapakita ni VP sa droga, na noon pa sanang bago magpascua.
***
Sa aking panayam noon kay PC Narcom chief Gen. Ramon Montano bago mag-EDSA breakaway (hindi ko isinulat na “revolution” ang aking kinoberan noon dahil wala naman talagang himagsikang sumiklab kundi ang repeke ng dila ni Cardinal Sin), ipinaliwanag niya na walang permanenteng numero (estadistika) sa kampanya kontra droga. Araw-araw ay nagbabago ang numero ng mga sindikato’t sugapa (para kay Montano, hanggang naroon sila, durugin; hanggang may marijuana, sunugin). Marahil, ito ang pagkakamali ng PDEG (PNP Drug Enforcement Group).
***
Ang numero ng PDEG ang ginamit ni VP para tawaging palpak ang gera kontra droga ni Duterte. Hindi na-update ng PDEG ang numero at ito rin ang reference ng PDEA. May problema rito ang PDEG at dapat sabunin bago sibakin ni Duterte ang mga natulog sa pansitan. Pero, ang napabayaang numero ng PDEG ay hibla lamang sa ulat ni VP dahil ang pangkalahatang estadistika ay mula sa DILG, lalo na ang post incident evaluation, na lumaya na ang maraming barangay sa kuko ng droga.
***
Sige. Sabihing tama si VP na palpak nga ang gera ni Duterte kontra droga. Palpak dahil hindi isinama ni Duterte sa kanyang listahan ang nakalipas na pangulo, DILG secretary, narco generals, atbp., ang siyang nagpalala ng problema sa droga, na ipinasa lang kay Duterte. Kilala at malapit si VP sa mga ito. Silang lahat ay nasa ilalim ng malawak na payong ng Liberal Party. Hindi rin isinama ni Duterte ang mga network na kontrolado ng LP (ang mga ito ang siyang bumabanat sa kanya at nagtatanggol pa kay Joma). Isa lang ang isinama ni Duterte: Leila de Lima (dahil sa “mabiyayang” lobby sa US, marami na ang kakampi ni D5).
***
Mapurol ang pag-aaral at ulat ni VP sa Duterte drug war. Imposible ang kanyang inaasam. Mahirap na bansa lang ang Pinas at mayaman lang sa dakdak at pambobola. Alam ng lahat, maliban kay VP, na ang makapangyarihang Amerika ay, kailan man, di nagtagumpay sa gera kontra droga, pero kaya niyang patayin ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng Iran sa pamamagitan ng precision drone. Walang tapang-Duterte sa Sur America kaya nilamon na ng droga ang Mexico at Colombia. Bagaman hindi nagupo ni Duterte ang sindikato ng droga, ilan sa kanila ay kilalang mga politiko, komunista’t pari, malaki ang ibinawas ng pagkalat ng shabu at araw-araw ay may nasasabat, maliit man o malaki.
***
Kung sa tingin ni VP ay tama ang kanyang pag-aaral, mahihikayat niya ang mayorya ng mamamayan at iiral ang teyorya ni John Locke. Sa ilalim ng kaisipan ni Locke, ang taumbayan ay may karapatang ibagsak ang gobyerno ni Duterte, o ikulong at patayin ang pangulo. Sa kaisipang Locke, karapatan ng taumbayan na magrebelde kontra “despotic and tyrannical government.” Pero, taliwas ang boses ng masa sa mga survey. Paano ngayon yan, VP?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Borol 2nd, Balagtas, Bulacan): Mga nais ng matatanda (hindi ikinahihiya ang edad dito) ngayong taon: normal na kolesterol at angkop na blood pressure. 120/80 ang normal pero ang dumalo sa maliit sa salu-salong pasasalamat ay 130/80. Maraming kondisyon sa salu-salong tinapang hasa-hasa, ensaladang mang•ga (manibalang), pritong itik at bandeha ng prutas na macopa, sinuguelas, duhat, •balimbing at bayabas: walang politika, walang problema sa pamilya at puro lovelife lang (pag malungkot, hindi lovelife yan; puwede rin yung kuwentong amor na bawal).
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): Tila mahirap iwasto, sa maigsing oras ng tulog at paggising, ang pagkakamali (higit ang maraming pagkakamali). Ang mahirap ding iwasto ay ang pakikialam, sa gawain man, pamilya o kapitbahayan. Napakahirap na temang tinalakay sa umpukan ang pagkakamali at pakikialam. Pero, inilulusot (pinagpipilitan) pa rin ang maling nagawa sa ilang pansariling kadahilanan. Sadyang ganoon nga yata; na hindi sinusunod ang utos na patawarin ang nagkasala.
***
PANALANGIN: O makapangyarihang prinsipe San Miguel, tulungan mo kaming mapagtagumpayan ang kasamaan at panlilinlang. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
-o-o-
MULA sa bayan (0916-5401958): Pa-simple lang sila. Bumabalik ang droga. Digong, tabang. …1665, Maco, DavOro
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.