Dagul nagka-pneumonia, sleep apnea, katarata; nanawagan ng raket

KAHIT may iniindang mga karamdaman, kaya pa rin daw magtrabaho ng komedyanteng si Dagul bilang artista.
Nagbigay ng update si Dagul, o Romeo “Romy” Queddeng Pastrana sa totoong buhay, tungkol sa estado ng kanyang kalusugan sa ngayon.
Kuwento ng beteranong komedyante, nagpabalik-balik daw siya sa ospital last year dahil sa kanyang pulmonya at na-diagnose rin siya ng sleep apnea.
Sa panayam sa kanya ng “Kay Susan Tayo! Vlogs,” ibinahagi rin ng komedyante na kasalukuyan ding mino-monitor ang kanyang kidney.
Hirap na rin daw siyang maglakad sa kundisyon niya ngayon kaya kailangan na niyang gumamit ng wheelchair.
“Dati kasi, nu’ng medyo okay pa ako, nagti-taping-taping sa Goin’ Bulilit. Hindi ko na kaya maglakad nang malayo.
“So ngayon, talagang totally na hindi ko na kaya kasi nga ‘yung tuhod ko. Medyo siguro mabigat na ang katawan ko. So hindi na kaya ng tuhod ko na maglakad,” pagbabahagi ni Dagul.
Baka Bet Mo: Dagul umaasa na lang sa wheelchair: Hindi ako nakakalakad, binubuhat na lang ako ng anak ko
Nadiskubreng may tubig din sa kanyang baga, “So sa ngayon, mino-monitor. Hanggang nu’ng hospital ako, nawala, nawala na.”
Nahihirapan din daw si Dagul sa kanyang katarata, “Opo, sa left ko, nagpatingin ako, may katarata. Kaya lang hindi ko agad maoperahan kasi mino-monitor ‘yung heart ko, marami silang hinihingi na test.
“So hindi ako makapagpaopera. At saka, at the same time, financial,” sey pa ng komedyante.
“Saka ‘yung ano (kino-consider) pa ma’am Susan, kasi baka kapag na-anesthesia daw ako, baka hindi makayanan na mahaba ang operasyon. Baka hindi ako makagising,” aniya pa.
Sa ngayon, medyo bumuti na ang kanyang kalagayan at kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang bahay, “Dito lang naman ako kasi ‘pag walang mga raket-raket, dito lang po sa bahay.
“Kasi ‘yung mga bata, ito si Jkhriez umaalis. ‘Pag may pasok, may raket din. Si misis doon sa tindahan namin na sa anak ko na rin ‘yun, ako lang mag-isa dito sa bahay,” ani Dagul.
“Wala eh, tiis-tiis. Parang nasanay na rin,” aniya pa.
May lagi ring katabing arinola si Dagul para hindi na siya pupunta ng banyo, “Wala na talagang magawa, gano’n na. Maghintay na lang kung anong darating.”
Panawagan naman ni Dagul, “Gusto ko rin na magkaroon ng trabaho. So sabi ko, ‘Sana Lord,’ ‘yung pinakasandata ko, magdasal. Sabi ko, ‘Lord, tulungan mo naman kami na sana may darating na biyaya o trabaho.
“Kung sinuman ang mahipo mo, matulungan kami. Sana gano’n ang mangyari,” ani Dagul.
Regular na napapanood noon si Dagul sa kids gag show ng ABS-CBN na “Goin’ Bulilit.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
