Hanggang kailan nga ba gagawin ng pamahalaan ang pagpapauwi sa ating mga OFW nang wala ng matinding pakiusapan pa at halos magmakaawang iwanan na nila ang bansang kinaroroonan kung saan may napipintong kaguluhan o di kaya’y aktuwal nang may kaguluhan tulad ng mga pagsabog at walang patumanggang pamamaril sa pagitan ng naglalabang mga bansa.
Nakataas na ngayon ang alert level no.4 o mandatory repatriation kung saan nagsisimula nang ilikas ang ating mga kababayan na nasa Iran, Iraq at Lebanon, matapos ang sigalot sa pagitan ng Amerika at Iran.
Nagpadala na rin ng puwersa ang gobyerno tulad ng mga sundalo nito hindi upang makipagdigma kundi upang alalayan ang ating mga kababayang iuuwi ng Pilipinas.
May mga tawag ding natanggap ang Bantay OCW at nag-aalala ‘anya sila sa kalagayan nila ngayon tulad ng mga nasa Kuwait at sinasabi nilang nasa gitna sila ng Iran at Iraq.
Gayunpaman, inabisuhan na ang mga OFW sa Gitnang Silangan na maging laging handa, makinig at sumunod sa mga instruksyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga embahada at Konsulado ng Pilipinas.
Pero katulad ng dati, pahirapan pa din ang pagpapauwi sa kanila. May mga nagsabing hindi na lang daw sila uuwi at okay pa naman ang kanilang kalagayan doon.
Tulad ng naging karanasan ng gobyerno sa isyu ng pagpapauwi, palibhasa’y desperado na, at hindi rin kayang pakiusapan kahit ng kanilang mga kamag-anak na umuwi na muna at saka na lang bumalik, kusang nagbigay na lamang ng waiver ang mga Pinoy na ayaw umuwi sa pamamagitan ng text message at sinasaad doon na walang obligasyon ang pamahalaan anuman ang mangyari sa kanila dahil personal nilang desisyon iyon.
Sana matutong sumunod ang ating mga OFW sa panahon ng anumang krisis alang-alang na rin sa kanilang kaligtasan.
***
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.