May himala: Kapamilya stars umaasang hindi isasara ang ABS
NAKAAALARMA naman talaga at nakanenerbiyos ang kasalukuyang panahon para sa ABS-CBN. Tatlong buwan na lang mula ngayon ay magtatapos na ang lisensiya ng kanilang prangkisa.
Kapag hindi nabigyan ng renewal ang franchise ng higanteng network ay kailangan na nilang magsarado sa himpapawid. At hindi lang pala telebisyon ang sangkot sa nakawiwindang na usaping ito.
Kasali rin ang radyo at ang Sky Cable na pag-aari rin ng pamilya Lopez. Sa bawat pahayag na binibitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay binabalot ng nerbiyos at lungkot ang lahat ng mga nagtatrabaho sa malaking network.
Bago natapos ang 2019 ay madiing sinabi ni PRRD na ibenta na lang ng mga Lopez ang kanilang network dahil paninindigan ng pangulo na wala silang makukuhang renewal kahit pa maraming mambabatas na ang naghahain ng kanilang pagpabor na makapag-renew ng franchise ang istasyon.
Nakalulungkot na pagsalubong sa panibagong taon ang senaryong ito. Libu-libong manggagawa ng ABS-CBN ang mawawalan ng trabaho kapag hindi sila nabigyan ng panibagong lisensiyang makapagsahimpapawid.
Paano na ang mga artista ng ABS-CBN na ang pinggan na pinagkukunan lang nila ng kabuhayan sa araw-araw ay ang kinikita nila sa network?
Sabi ng marami ay limitado na ang panahon para umasa ang network sa himala. Pero walang takdang panahon ang pagdating ng pag-asa, habambuhay ay nandiyan lang ang mga posibilidad, malay natin baka magbago pa rin naman ang isip ng ating pangulo.
Harinawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.