MATAPOS ang ilang buwang pananahimik, sumabog uli ang isyu ng prangkisa ng ABS-CBN.
Nagbanta ang Pangulong Duterte na sisiguraduhin niyang mawawala na ang ABS-CBN.
Unlike before, hindi na umubra ang mga pagbabanta niya dahil nag-react ang netizens sa social media. Hindi nila sinang-ayunan ang ideyang isara ang ABS-CBN dahil bahagi na ito ng buhay nila.
Naniniwala ang netizens na hindi makatarungan at patas ang planong pagpapasara dahil libo-libong empleyado ang mawawalan ng hanapbuhay kaya naman nag-trend ang #NoToABSCBNShutdown sa Twitter ng ilang araw.
Organic ang pag-trend ng hashtag kasi hindi uto-uto ang mga tao. Nakikita nilang personal ang ugat ng galit na pwede naman daw solusyunan na ‘di kailangang mawalan ng trabaho ang libo-libong empleyado.
Sabi ng netizens, kung may nilabag talagang batas ang ABS-CBN, eh bakit hindi na lang kasuhan? Bakit idadamay ang mga walang kinalaman?
Dapat i-extend ang franchise ng ABS-CBN. Isa na nga lang sila sa kakaunting kumpanyang tunay na nagmamalasakit sa mga Pilipino, mawawala pa?
Limang kongresista at isang senador na ang nagpasa ng bill para ma-renew ang franchise ng ABS-CBN, sina Laguna Rep. Sol Aragones, Parañaque Rep. Joy Tambunting, Pangasinan Rep. Baby Arenas, Nueva Ecija Rep. Micaela Vialogo, Lipa City Rep. Vilma Santos, at ang asawa niyang si Sen. Ralph Recto.
Wala naman dapat ipag-alala dahil sabi nina Sen. Recto at Sen. Tito Sotto, may oras pa para pag-usapan ang franchise ng Dos. Hindi pa huli ang lahat para ipaglaban kung ano ang nararapat para sa taong bayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.