Duterte, Trillanes, Pacman, Bong Go, Coco agaw-eksena sa ‘Kings of Reality Show’ nina Ariel and Maverick
TAWANAN, iyakan, pagkatapos ay nagpalakpakan ang mga nanood sa special advance screening ng pelikulang “Kings of Reality Shows” na pinagbibidahan ng comic duo na sina Ariel Villasanta & Maverick Relova.
Hindi nasayang ang panahon at effort namin sa pagsugod sa UP Film Center nitong nagdaang Biyernes para panoorin ang pelikula, hindi lang kasi kami na-entertain sa kuwento nito, na-inspire at na-touch pa kami sa kabuuan ng movie.
Ramdam na ramdam namin ang passion ni Ariel sa pagbuo ng proyekto na siya ring nagdirek, nag-produce, nagsulat at nag-edit ng pelikula, at siya rin ang magma-market at magbebenta sa publiko para kumita.
Nauna nang inihayag ni Ariel ang mga pinagdaanan nila ni Maverick nang simulan ang reality movie na ito 10 years ago with GMA Films. Napilitan siyang isangla ang kanyang bahay para lang mabili ang rights nito sa GMA at tapusin ang kanilang nasimulan – at maipalabas nga sa mga sinehan.
Mapapanood sa pelikula ang lahat ng hirap at sakripisyo ni Ariel at ng kanyang team para lang matapos ang proyekto, kabilang na ang paglapit at paghingi niya ng tulong pinansyal sa mga kilalang artista at politiko sa bansa.
Yes, nag-solicit talaga ang TV host-comedian mula kina Jose Manalo, Coco Martin, Joey de Leon, Eddie Garcia (RIP), Mocha Uson hanggang kina Sen. Bato dela Rosa, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Bong Go, Mayor Isko Moreno, Mayor Sara Duterte at marami pang iba.
Dito rin sa “Kings of Reality Shows” mapapanood ang paglapit ni Ariel kina Sen. Antonio Trillanes at Pangulong Rodrigo Duterte. Pagmamalaki nga sa amin ng ko-medyante, sa movie lang nila mapapanood na “magkasama” ang magkakontrang senador at ang pangulo.
In fairness, kahit idinaan ni Ariel sa pakomedya ang pagso-solicit niya para matapos lang ang mala-reality show film na ito, may kurot pa rin sa puso ang bawat eksena dahil talagang maaawa ka sa kanya – sabi nga ng ilang nakausap namin after ng movie, kulang na lang ay mamalimos na si Ariel dahil sa passion niya as struggling artist.
Pero bukod nga riyan, sa unang bahagi ng pelikula ay tatawa ka lang nang tatawa kung saan ipinakita ang pagsisimula nina Ariel at Maverick bilang mga comedian. Kung tutuusin pala, kabilang sila sa mga iilang ordinaryong tao na nagsimulang makilala sa reality TV hanggang sa sumikat na sa mga shows ng TV5 noon. At kung may YouTube channel na sila noon pa, tiyak na mayaman na rin sila ngayon.
Riot din ang special participation ng yumaong nanay ni Ariel sa pelikula na si Mommy Elvie na talagang agaw-eksena sa kanyang mga paandar. Grabe ang tawa namin sa eksena kung saan niregaluhan siya ni Ariel ng macho dancer! Kaloka ang naging reaksyon niya nang sumayaw-sayaw na ito sa harapan niya!
Abangan n’yo rin ang pag-eksena ng American Idol finalist na si Jasmine Trias sa pelikula na naging mitsa kung bakit nag-away nang matindi sina Ariel at Maverick. Humingi kasi sila ng tulong sa international singer para makasali sa American Idol na siyang original plan nang pagtungo nila sa US to realize nga their Hollywood Dream. Pero total disaster ang nangyari.
Ipakikita rin dito kung bakit nakulong sa Hollywood ang magkaibigan na naging hudyat para matigil na ang pagsasapelikula ng “Kings of Reality Shows” at pag-atras ng GMA Films sa proyekto.
Ito na rin yung pagkakataon na inatake ng depresyon si Ariel kaya hindi na muna siya umuwi ng Pilipinas. Pero bakit nga ba biglang nawala sa eksena si Maverick after ng epic fail Hollywood journey nila at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita.
Sinubukan nina Ariel na kontakin siya para imbitahan sa naganap na press screening pero waley pa rin. Isa rin ito sa mga rason kung bakit naiyak si Ariel after ipalabas ang movie, sana raw ay kasama niya ang kaibigan sa moment na yun kung saan harapan niyang tinanggap ang mga papuri at pagbati mula sa mga nakapanood ng pelikula.
Panoorin n’yo ito at si-nisiguro kong hindi kayo magsisisi at hindi n’yo panghihinayangan ang ibabayad n’yo sa sinehan. Promise! Showing na ang pelikula sa Nov. 27 nationwide mula sa Solar Films at Lion’s Faith Production.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.