Ariel Villasanta naisangla pati ang bahay dahil sa ‘King of Reality Shows’; binigyan ng pera ni Pacman
NAPILITANG isangla ng TV host-comedian na si Ariel Villasanta para lang matapos at maipalabas ang “reality” movie nila ng kaibigang si Maverick Relova.
Sa nakaraang presscon ng pelikulang “Kings Of Reality Shows”, inamin ni Ariel na talagang kinarir niya ang paghahanap ng pera para matuloy at matapos lang ang nasabing proyekto. Kung kani-kanino rin daw siya lumapit for financial help.
“Kay Sen. Manny Pacquiao medyo malaki ang naitulong niya sa akin kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanya. Actually sinasanla ko ang singsing ko, pero sabi niya ‘sige na huwag mo na isanla ‘yan, ako na bahala.’
“Pero ganu’n pa man, kahit na lumapit ako sa kanila e kulang pa rin, kaya naisanla ko ang bahay ko,” aniya pa.
“Ang istorya po nito ay tungkol sa isang struggling artist, na ako po ‘yun. Ginawa ko po lahat ng magagawa ko, lumapit po ako sa mga personalities. Lumapit ako sa kanila para may financial na tulong at advise para mabili ko ang pelikula na na-shelve ng GMA Films 10 years ago na nai-shoot namin sa States. So, this is parang reality show in a movie,” paliwanag pa ng komedyante.
Iniaalay ni Ariel ang kanyang pelikula sa mga kapwa niya struggling artist na nais abutin ang kanilang mga pangarap, “Dini-dedicate ko ito sa lahat ng struggling artist kaya medyo nakataya ho ang bahay ko dito. Naisanla ko ang bahay ko dahil sa pelikulang ‘to.
“Kaya kapag ako nasa tent na lang, isa lang ibig sabihin noon, hindi ito kumita,” biro pa ni Ariel.
Patuloy pa niya, “I know nakakatawa ‘yun pero ayaw ko naman sa lahat ‘yung regret na darating ang time na nasa wheelchair ako, sasabihin ko, ‘Bakit hindi ako lumaban? Bakit hindi ko sinubukan?’ Ito kung anu’t ano man ang mangyari at least sinubukan ko.”
Inamin din niya na ang pagkaudlot ng nasabing pelikula ang isa sa rason ng paghihiwalay nila ng kanyang ka-tandem na si Maverick.
“Alam mo nasaktan talaga ‘yun simula noong na shelve ‘tong pelikula na ‘to, e. Masakit, nasaktan si Maverick kaya nag-iba siya ng venture. Medyo hindi na kami nagkakausap,” aniya.
“So, yung partner ko, kasi ako, may day job ako, e. Yung partner ko talagang wala, e. Siyempre, alam ninyo, pag nag-aartista, minsan naiiba yung lifestyle, biglang medyo… nasaktan siya. It’s either nag-business na lang siya, may nagsasabing nag-drugs, hindi ho totoo yan. Puwedeng na-depress, puwedeng lumayo na lang, lumayo na lang sa ating lahat.
“Pati ako, hindi na ako kinakausap. Lumayo na lang siya sa ating lahat. Puwedeng naging ispiritwal. Sa totoo lang, hindi ko talaga masabi kung ano siya talaga ngayon, e. Pero iyang istoryang iyan, maganda iyan, makikita ninyo sa pelikulang ito, kasali yun,” lahad pa ni Ariel.
Mapapanoood daw sa pelikula ang sanhi ng depresyon ni Maverick. Umaasa naman si Ariel na magiging maayos din ang samahan nila ni Maverick at sana suportahan daw ng publiko ang kanilang pelikula dahil napakarami raw matututunan ng manonood sa kanilang masalimuot ngunit exciting na kuwento.
Mapapanood ang “Kings of Reality Show” ngayong Nob. 27 sa mga sinehan nationwide mula sa Lion’s Faith Production. Para sa mga hindi pa nakakaalam, bukod sa pagigin producer at aktor sa movie, si Ariel din ang director nito, editor, writer, at in-charge of sales, marketing, at creatives.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.