KZ: Nakakapagod maging artista, pero ang sarap pala
Isa si KZ Tandingan sa mga artistang unang nagbigay ng tulong sa mga kababayan niya sa Mindanao na nabiktima ng lindol.
Kasabay nito, nanawagan din siya sa mismong premiere night ng pelikula nila ni Epy Quizon na “The Art of Ligaw,” sa madlang pipol na tumulong din para kahit paano’y gumaan ang dinadala ng mga taga-Mindanao. Ayon kay KZ, kailangan ng tubig, mga trapal at pagkain ng mga baranggay na apektado doon.
“Nag-organize po kami ng mga kaibigan po namin doon sa Digos (Davao del Sur). Sobrang sakto na nandoon ang parents ko, pinadala ko na lahat, humabol na lang ako after ng work,” ani KZ.
Kahit daw ang pamilya niya roon ay apektado rin ng kalamidad, “My mom, my sister, and my brother were almost trapped sa isang mall, na gabi pa nangyari (yung lindol), so sobrang naging traumatic yun para sa pamilya ko lalo na sa sister ko. Kasi she almost lost her baby pero ngayon po healthy naman ang baby pero kailangan niya mag-rest.”
Samantala, speaking of “The Art of Ligaw,” inamin ni KZ na grabe pa rin ang nararamdaman niyang kaba ngayon dahil papalapit na ang showing ng kanyang launching movie. Sa isang panayam, sinabi ng Kapamilya singer na hanggang ngayon ay hindi pa siya makapaniwala na mabibigyan siya ng chance na maging aktres.
“Sobra po akong kinabahan. Nakakatuwa ‘yung paraan paano ko nalaman. Kasi hindi ba, kapag nagre-record ako ng OST gusto ko talaga na alam kung ‘yung kuwento ng movie para alam ko kung anong direksiyon at emosyon ang pagdadalhan ko ng kanta.
“Sabi sa akin ng handler ko, ‘May papadala ako sa iyong synopsis ng isang movie, basahin mo and then let me know what you think.’ Binasa ko, sabi ko, ‘Ay ang ganda nakakatuwa parang ako ‘yung nasa kuwento, I love it.’ Tapos nag-message ako sabi ko, ‘Okay ang ganda ng kuwento pero parang kulang ‘yung attachment ng e-mail walang MP3 file. Wala ‘yung song na kakantahin ko.’
“Tapos sabi sa akin, ‘Hindi, hindi. Aakting ka rito.’ Parang loko-loko naman yata. Mali yata ‘yung na-send na e-mail. Hindi talaga ako naniniwala until nagharap-harap na kami ng direktor at team ng ‘Art of Ligaw.’
“Ang unang-unang tanong ko sa kanila, bakit po ako? ‘Yung tanong niyong lahat, bakit po ako? Kasi singer tapos mapupunta sa movie,” chika pa ni KZ.
“Sobrang na-love ko siya as an art kasi sobra po palang nakakapagod mag-artista. Nag-workshop ako, may paiyak-iyak kaming ganyan. Pero after nu’ng buong pag-shoot namin ng movie na miss ko ‘yung experience,” chika pa ng dalaga.
Ang “The Art of Ligaw” ay isang romcom movie with a twist sa direksyon ni Jourdan Sebastian at showing na sa Nov. 13 sa lahat ng sinehan nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.