Vanjoss hindi na pababalikin sa HK ang ina matapos manalo sa ‘TVK 4’
NAKITA namin ang reaksyon ng tatay ni Vanjoss Bayaban na si Bayani Bayaban habang kumakanta ang anak ng “You Raise Me Up” sa grand finals ng The Voice Kids Season 4.
Panay ang panalangin nito na sana’y hindi magkamali ang anak at sana’y ito ang tanghaling grand winner.
Naluluha namang nakaupo ang ina ni Vanjoss na si Gng. Evelyn na nasa tabi ng kanyang asawa.
Ramdam namin ng mga sandaling iyon ang nerbyos ng mga magulang ni Vanjoss pero feeling namin, walang kakaba-kabang kumakanta sa entablado ng Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila ang bagets mula sa Team Sarah.
Mas kinabahan at ninerbyos si Vanjoss nang ianunsyo na ang grand winner, kitang-kita na hindi niya inasahang siya ang mananalo dahil magagaling din ang mga kalaban niyang sina Carmell Collado (Team Bamboo) at Cyd Pangca (Team Lea).
Siya ang nanalo ng house and lot mula sa Camella, P2 milyong cash at kontrata sa ABS-CBN Music.
Nakausap namin ang ama ni Vanjoss sa dressing room ng TVK, “Hindi pa kami makapaniwala sa nangyayari sa anak namin, sa kanyang journey. Hindi ko mapigilan (maging emosyonal). Nagpapasalamat ako sa kanya, talagang masayang-masaya ‘yung nararamdaman ko dahil natupad niya ‘yung ipinangako niyang pangarap niya na gustong gawin sa buhay.”
Ang ina naman ni Vanjoss na domestic helper sa Hongkong sa loob nang tatlong taon ay hindi na aalis ng bansa, “Hindi na po ako babalik sa Hongkong. Gusto ko pong pagbigyan ‘yung pangarap ng anak ko ngayon dahil ginawa niya ‘yung makakaya niya para manalo so pagbibigyan ko rin po ‘yung kahilingan niya na magkasama-sama po kaming lahat.”
Bagama’t hindi pa tapos ang kontrata nito sa HK ay nagpaalam na siya nang maayos sa kanyang amo, “Kinausap ko po ‘yung mga amo ko na uuwi muna ako at pumayag naman po. Three years na po ako roon,” kuwento pa niya sa amin.
Ayon sa daddy Bayani ni Vanjoss ay napilitan siyang payagan ang asawang mangibang-bansa dahil gipit sila, “Kaya po siya umalis din dahil gusto niya akong tulungan para sa kinabukasan din nang dalawang bata. Ngayon po, susuportahan namin si Vanjoss dahil gusto niyang ituloy ang pangarap niya,” pa kuwento ng ama ng bata.
Sabi ni mommy Evelyn ang P2 milyon na napanalunan ng anak ay, “Itatabi po namin para sa kinabukasan ng dalawang bata.”
Gusto ni Vanjoss na bumili ng magarang sasakyan mula sa perang napanalunan at ang paliwanag ng ama niya, “Kailangan po kasi namin ang sasakyan, ‘yun po siguro ‘yung sinasabi niyang gusto niyang bumili ng van kasi hindi po siya kumportable na sumasakay ng bus kasi sumusuka po siya lagi. ‘Yun po ang hirap namin kapag lumuwas kami (ng Maynila) lagi siyang nahihilo at nagsusuka.
“Sabi niya, kumportable ako sa van tapos gagawa tayo ng tulugan doon para makakatulog ako habang bumibiyahe,” aniya pa.
Samantala, ayon naman sa grand winner ng The Voice Kids Season 4, hindi na niya pababalikin ang ina sa ibang bansa dahil gusto nga niyang magkakasama-sama na sila at ito rin ang dahilan kung bakit nag pursige siyang manalo.
“Noong nanalo po ako ng P2 thousand tinawagan ko po ang mommy ko sa Hongkong, ‘mommy nanalo po ako ng P2 thousand, uwi ka na po.’ Tapos po ang sabi niya sa akin, ‘Anak hindi pa ‘yan sapat para makaahon tayo sa kahirapan. Kaya anak dapat galingan mo pa sana madiskubre ka ng ABS-CBN.
“And nu’ng nanalo naman po ako ng P20 thousand, tinawagan ko po ulit siya, ‘ma, 20 thousand na po, uwi ka na, laking pera na ‘to!’ Sabi ni mama, ‘Anak hindi pa rin ‘yan sapat, ang kailangan ko ay mapag-aral ko kayo ng kapatid mo, dapat maganda ‘yung buhay ninyo, ‘yung future ninyo.’
“Ngayon po (nanalo ng P2 milyon) nakausap ko na at umiiyak na sobrang thankful po siya sa akin kasi po ginawa ko ‘yung best ko po na manalo rito. Siyempre hindi naman po ‘yun mangyayari kung hindi dahil kay God, sa parents ko po, sa supporters ko po,” sabi pa ng bagets.
Hinding-hindi malilimutan ni Vanjoss ang bilin ng ama sa lahat ng laban niya, pero hindi naman niya makakamit ang tagumpay kung wala rin ang tulong ni coach Sarah Geronimo.
“Ang bilin po sa akin parati ni coach Sarah ay bago pumunta sa stage, magdadasal muna, dapat ang pagkanta dapat may puso, dapat po ‘yung kinakanta ko ay naayon sa emosyon kosa pagkanta po, huwag puro birit po at namnamin ko ang pagkanta po,” sabi pa niya sa amin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.