Vice Ganda pinipilit ni Ogie Diaz na mag-anak na: Hindi ko talaga kaya!
KINUKUMBINSI ng talent manager-comedian na si Ogie Diaz ang Unkabogable Star na si Vice Ganda na magkaroon ng sariling anak.
Sa nakaraang mediacon ng pelikulang “Two Love You” na siya ang nag-produce under his own movie outfit na OgieD Productions, sinabi niyang nagkausap sila kamakailan ni Vice at isa sa mga naging topic nila ay ang pagkakaroon ng sarili niyang anak tulad niya.
“Dumating siya noong birthday ng anak ko, debut. Sabi ko sa kanya, ‘Te, mag-anak ka na.’ ‘Te, hindi ko kaya!’ sabi niya sa akin.
“‘Mag-anak ka na, ‘te. Tumatanda ka na. Ilang taon ka na, 45?’ Tapos sabi niya, ‘Te ayaw ko naman na ako ang aalagaan ng anak ko pagdating ng araw, ganyan-ganyan.’ Sabi ko, ‘Noon mo pa inisip ‘yan ah. Kung noon mo pa ginawa, hindi mo na maiisip ‘yan,’ sabi ko sa kanya. ‘Te, hindi ko talaga kaya,'” lahad ni Ogie na datin ring nag-manage kay Vice.
May limang anak na si Ogie sa kanyang partner at nagdadalaga na rin ang mga ito. Sabi niya kay Vice, makakatulong daw sa buhay ng TV host-comedian ang responsibilidad ng isang tatay.
“Sabi ko, ‘Alam mo, maiiba ‘yung perspective mo sa buhay, ‘yung outlook mo sa buhay, even your jokes maiiba, ‘yung alam mo na kung paano maging tatay.’ Kino-convince ko talaga si Vice. Sabi niya, ‘Pag-iisipan ko.’
“Sabi ko sa kanya, ‘Te, tandaan mo, kapag ikaw sikat na bading tapos namatay ka, makakalimutan ka na ng mga tao.
Pero kapag mayroon kang iniwan na buhay na monumento, mayroon kang buhay na alaala, maalala ka nila through that person.
“Kapag meron kang iniwan na buhay na alaala, lagi kang maalala ng mga tao. Nami-meet nila ‘yan, ‘tatay ko si Vice Ganda.’ Napapaisip siya. ‘Pag-iisipan ko talaga ‘yan, ‘te. Actually ‘yung mga friends ko, sinasabi nila na mag-anak ako eh.’ Kasi nga nagawa ni Joel Cruz, ‘di ba?” ani Ogie.
Samantala, happy naman ang talent manager sa lovelife ni Vice na umamin na ngang dyowa niya ang kasamahan nila sa It’s Showtime na si Ion Perez. Puring-puri rin ni Ogie ang kabaitan ni Ion.
“Mabait ‘yung bata, sobrang bait at sobra siyang mahal. At saka si Ion, kapag alam niya na masaya si Vice, mas masaya rin siya. At nakakatuwa si Ion, kasi nagbantay talaga ‘yan kay Vice sa ospital nu’ng magkasakit,” pahayag pa niya.
Tingin ba niya tama ang desisyon ng TV host-comedian na ibandera pa sa madlang pipol ang relasyon nila ni Ion?
“Malaki na si Vice, alam na niya ‘yan, at saka na taymingan naman niya. Sino ang kumuwestyon? May nandiri ba? Wala naman. E ganu’n talaga sa panahon ngayon. Kahit nga ma-in love ka sa aso, ‘di ba? E happiness niya ‘yun e. Ito pa kaya sa tao?
“Si Vice din kasi, ang gusto niya sa lalaki hindi siya tinitingnan as Vice Ganda, ayaw niya, nao-off siya. Gusto niya si Jose Mari Viceral siya, ‘yun ang tingin sa kanya.
“Kaya nga naloloko siya kapag may lalaki na, ‘wala akong pakialam kahit Vice Ganda ka ‘no.’ Mas gusto niya ‘yung ganu’n. Ayaw niya ng ‘Hi, Vice.’ ‘Yung humahalleluah sa kanya, ayaw niya. Gusto niya, tinatrato siyang normal na si Tutoy,” paliwanag pa ni Ogie.
“Sabi nga ni Ion ‘di ba, ‘hindi siya si Vice Ganda, si Tutoy siya sa akin,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinagmamalaki ni Ogie ang unang pagsabak niya sa pagpo-produce. Ito nga ang “Two Love You” na pinagbibidahan ng sidekick lagi ni Vice sa mga pelikula nito na si Lassy Marquez with Yen Santos at ng alaga rin ni Ogie na si Hashtag Kid Yambao.
Kasama rin dito sina Arlene Muhlach, MC Muah at Dyosa Pockoh. Ito’y sa direksyon ni Benedict Mique at mapapanood na sa mga sinehan simula sa Nov. 13.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.