Reyes siblings nais ipakita ang husay ng Pinoy sa motocross
HINDI matatawaran ang husay ng atletang Pinoy sa sports gaya ng motocross.
At ang magkapatid na sina Quiana at Wenson Reyes ang isang halimbawa lamang ng mga Pinoy athletes na nagpapakita ng husay sa larangan ng sports.
Bagamat kapwa bata pa, patuloy na gumagawa ng pangalan ang magkapatid sa motocross kung saan ilang ulit na rin silang nanalo.
“Exciting talaga ang motocross kaya gusto namin itong magkapatid,” sabi ng nakatatandang si Quiana sa ika-46 edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization of the Philippines (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila Huwebes ng umaga.
“Gusto ko ring tularan ‘yung iba pang magagaling na female riders, gaya nina Pua Gabriel at Jasmine Jao,” dagdag pa ng 15-anyos na estudyante ng St. Paul’s College-Bulacan.
Gayunman, prayoridad pa rin ng magkapatid ang kanilang pag-aaral bilang pagtalima sa kagustuhan ng kanilang mga magulang.
“Kapag weekdays, kailangan puro aral pa rin. Kapag weekend, motocross naman,” sabi naman ni Wenson, na nagpamalas na nang husay sa 85cc division kahit pa 13-anyos pa lamang.
“Tuluy-tuloy pa rin ang ensayo namin para maabot ang pangarap,” dagdag pa ng magkapatid, na sinamahan sa lingguhang forum na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Drinks ng kanilang mga magulang.
Ang magkapatid na Reyes ay nakatakdang sumabak sa NAMSSA National Motocross Championship sa Speedworld Motocross Circuit sa SM Bicutan ngayong Nobyembre 10.
Lalahok din sila sa FIM Asia Supercross Championship sa Nobyembre 24 sa pareho ring venue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.