Pacquiao for President sa 2022: Kung ‘yan ay ipagkakaloob sa ‘yo ni God, mangyayari yan…
PRESIDENTE na ang tawag kay Sen. Manny Pacquiao ng kanyang mga supporters na dumalo sa contract signing para sa gagawin niyang historical-action movie.
Si Pacman ang napili para bumida sa life story ni General Miguel Malvar na ididirek naman ni Jose Kaka Balagtas.
Si Malvar ay itinuturing na isang bayani dahil sa naging partisipasyon niya noon bilang heneral sa Philippine Revolution at Philippine-American War.
Sa nasabing mediacon, talagang Presidente na ang tawag sa kanya ng mga fans kaya natanong ang Pambansang Kamao kung tuloy na ba ang pagtakbo niya sa 2022 Presidential elections.
“Hindi ko pa iniisip yan. May isang term pa ako as a senator. Yung pagiging presidente naman kasi, iyan ay anointed by God.
“Kahit gustuhin mong maging Pangulo ng Pilipinas kung hindi yan ipagkakaloob sa yo ng Diyos, hindi ka mapupunta doon.
“Dito muna ako sa senado, may one term pa ako. Ako ay naniniwala na kung ilalagay ka diyan (Malacañang) ng Panginoon, mangyayari yan, pero kung hindi para sa yo, hindi yan mangyayari,” anang senador.
Nauna nang naibalita dito sa BANDERA ang pagsasapelikula ng kabayanihan ni Malvar matapos ang official announcement sa ginawang selebrasyon ng 154th birthday ng heneral.
Ayon kay Direk Kaka, kukunan ang kabuuan ng pelikula sa Fr. Pio National Shrine na pag-aari ng Malvar family at sa isang malawak na lupain sa Bay Laguna kung saan planong itayo ang Malvar Ecumenical and Film World Center.
Ibinandera rin ng direktor ng pelikula na aabot sa P100 million ang budget ng bagong action film ni Pacman kaya asahan na ang bonggang production nito, lalo na pagdating sa mga action scenes.
Ang “General Malvar” ay ipo-produce ng JMV Productions, sa pangunguna ni Atty. Jose Malvar Villegas, Jr., apo ni General Malvar at chairman ng Kaanak ng mga Bayani ng Himagsikang Pilipino 1896 at ng Miguel Malvar Production ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas with the Kamura Farm Ventures as associate producer.
Ang line producer naman nito ay ang Jukebox Queen na si Imelda Papin, “Maraming artistang makakasali rito dahil gusto naming bigyan ng trabaho ang maraming kasamahan sa industriya.”
Balitang isa sa mga pinagpipilian ng production para maging leading lady ni Pacman sa movie ay ang TV Drama Queen na si Judy Ann Santos. Ngunit mukhang imposible pa itong mangyari dahil may bagong teleserye na ang aktres sa ABS-CBN. Ang iba pang female stars na pwedeng gumanap bilang asawa ni Manny sa movie ay sina Bela Padilla, Bea Alonzo at Jodi Sta. Maria.
Ayon naman sa isang source, kung hindi na magkakaroon ng problema, si Manila Mayor Isko Moreno raw ang gaganap na Andres Bonifacio habang si dating Laguna Governor ER Ejercito naman ang napipisil na gumanap bilang Emilio Aguinaldo na ginampanan na rin niya noon sa pelikulang “El Presidente”.
“Isang napakalaking karangalan po na tayo ang napili para sa life story ni Heneral Malvar. Gagawin natin ang lahat para magampanan nang mahusay at tama ang kanyang buhay,” sabi ni Pacquiao.
Ilan sa mga pelikulang pinagbidahan ni Sen. Manny ay ang “Wapakman” (2009), “Brown Soup Thing” (2008), “Anak ng Kumander” at “Lisensyadong Kamao” (2005).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.