SOGIE bill hindi na kailangan, patay na sa Senado
MAY sapat na umanong batas ang bansa para proteksyunan ang mga miyembro ng third sex kaya hindi na kailangan ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression.
Sinabi ito ni Senate President Tito Sotto sa mga lider at miyembro ng Christian Coalition for Righteousness, Justice, and Truth na nagsagawa ng prayer rally sa labas ng Senado.
Ayon kay Sotto 15 senador, kasama si Sen. Manny Pacquiao at Sen. Joel Villanueva, ang tutol sa SOGIE bill kaya hindi ito maaaprubahan.
“We are doing this out of love. We don’t want anyone to be discriminated, but we are doing this out of love for God and the Nation,” ani Villanueva. “How then can this be equality if we cannot express our faith?”
Naniniwala naman si Pacquiao na ang SOGIE bill ay labag sa utos ng Diyos. “Ayaw po natin na maging cursed and bansa natin…”
Ayon naman kay House Deputy Speaker at CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva ang SOGIE bill ay mayroong mga probisyon na taliwas sa ipinaglalaban nitong “equality”.
Paliwanag ng kongresista, sa ilalim ng Revised Penal Code ang Slander at Oral Defamation ay may parusa na pagkakakulong na isa hanggang anim na buwan pero sa ilalim ng SOGIE bill lima hanggang 12 taon ang kulong kung pakiramdam ng isang miyembro ng LGBT ay na-offend siya.
“Under SOGIE Bill, the penalty for Verbal Harassment is 250,000 to half-million. Where is equality?”
Sinabi ni Bishop Daniel Balais, ng Intercessors for the Philippines at isa sa convenor ng CCRJT, na maaaring makasira ng pamilya ang SOGIE bill.
Sumali sa rally ang “The Rainbow Army” na kinabibilangan ng mga dating miyembro ng LGBT community. Ang CCRJT ay binubuo ng Philippine Council of Evangelical Churches, Philippines for Jesus Movement, Intercessors for the Philippines, Jesus is Lord, ProLife International, Couples for Christ at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.