Ikalawang panalo asinta ng NLEX, Meralco
Mga Laro Ngayong Biyernes (Sept. 27)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NLEX vs Meralco
7 p.m. Magnolia vs NorthPort
Team Standings: TNT (1-0); Barangay Ginebra (1-0); San Miguel Beer (1-0); NLEX (1-0); Meralco (1-0); NorthPort (1-0); Rain or Shine (1-1); Columbian Dyip (1-1); Magnolia (0-1); Blackwater (0-1); Phoenix Pulse (0-2); Alaska (0-2)
MAKUHA ang ikalawang panalo ang habol ng Meralco Bolts at NLEX Road Warriors sa kanilang salpukan sa 2019 PBA Governors’ Cup elimination round ngayong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Inaasahang ipapamalas muli ng Meralco ang matinding depensa na inilatag nito para magwagi kontra defending champion Magnolia Hotshots, 98-92, noong Sabado sa paghaharap nila ng NLEX ngayong alas-4:30 ng hapon.
Magmumula naman ang Road Warriors sa 123-116 pagwawagi kontra Phoenix Pulse Fuel Masters noong Biyernes kung saan bumida si Kiefer Ravena, na nagbalik aksyon sa liga matapos mapatawan ng 18-buwan suspensyon ng FIBA, sa kinamadang 20 puntos.
Maliban kay Ravena, aasahan din ni NLEX mentor Joseller “Yeng” Guiao sina import Olu Ashaoulu, Philip Paniamogan, Larry Fonacier, JR Quinahan at Paul Varilla.
Sasandigan naman ni Meralco coach Norman Black sina import Allen Durham, Raymond Almazan, Chris Newsome, Baser Amer, Bryan Faundo at John Pinto.
Sa ikalawang laro, tatangkain din ng NorthPort Batang Pier na mahablot ang ikalawang diretsong panalo sa paghaharap nila ng Magnolia sa alas-7 ng gabi na main game.
Manggagaling ang Batang Pier sa 99-94 panalo kontra Rain or Shine Elasto Painters.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.