Sagipin ang mga namamalimos na mga Aeta at Badjao– Imee
NANAWAGAN ngayon si Senator Imee Marcos sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na kagyat na tulungan ang mga katutubo na inaasahang dadagsa sa iba’t ibang lugar ng Kamaynilaan para manghingi ng limos ngayon panahon ng Kapaskuhan.
Sa mga lansangan ng Metro Manila dadagsa ang mga katutubong Aeta at Badjao kabilang na ang kani-kanilang mga pamilya para manghingi sa mga drayber, pasahero lalu na sa mga may-ari ng pribadong sasakyan na inaasahang malaki ang ibibigay na limos.
“Nakakaawa naman ang mga Aeta at Badjao! Taun-taon na lang ganito ang nakikita natin kapag pumapasok ang “ber” months. Nasa gitna sila ng mga kalye, nagmamakaawa para lang bigyan sila ng limos. Dapat kumikilos dito ang DSWD,” pahayag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na kung meron mang aksyong ginagawa ang pamahalaan lalu ang DSWD, maituturing itong hindi matagumpay dahil na rin sa paulit-ulit na nangyayaring pagdating ng mga katutubo sa Metro Manila kapag dumarating ang Chirstmas season.
“Dapat mabigyan ng permanenteng solusyon ang pagdagsa ng mga katutubo sa Kamaynilaan kapag dumarating ang Chirstmas season. Mukhang ‘band aid solution’ ang ginagawa ng DSWD dahil magugulat ka na lang na naririyan na naman ang mga Aeta at Badjao sa mga lansangan,” paliwanag ni Marcos.
Ayon pa kay Marcos, kailangang gawin ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar kung saan naroroon ang mga katutubong Aeta at Badjao ay tunay na tulong at suporta para tuluyang magkaroon ang mga ito ng permanenteng ikabubuhay ng kani-kanilang mga pamilya.
“Kahirapan ang nagtutulak sa kanila para mamalimos sa Metro Manila. Hindi nila gagawin ang manghingi kung meron silang maayos na kabuhayan sa kani-kanilang probinsya,” ayon kay Marcos.
Idinagdag pa ni Marcos na kailangang magtulong-tulong ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Senado para matulungan ang mga katutubong Aeta at Badjao na halos taun-taong namamalimos sa Kamaynilaan kapag dumadating ang Kapaskuhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.