Mga Laro Bukas
(The Arena)
4 p.m. San Beda vs Perpetual
6 p.m. Jose Rizal vs San Sebastian
HINDI pa rin napipigil ang winning streak ng Letran Knights nang tuhugin pa ang Arellano Chiefs, 67-57, sa 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng personal high na 25 puntos si Mark Cruz, si Kevin Racal ay mayroong 14 habang 17 rebounds ang kinuha ni Raymond Almazan para sa Knights na napantayan ang mainit na panimula noong 2008 na 6-0 karta.
Ang panalo ay inialay din ng tropa ni Letran coach Caloy Garcia para kay Franz Dysam na nagpapagaling matapos pagbabarilin ng dalawang di kilalang lalaki noong Sabado ng gabi na ikinaresulta sa pagkasawi ng kinakasamang si Joan Sordan.
“Itong game ay para kay Franz Dysam. Nakita naman ang eagerness na manalo ng mga players dahil ginawa namin ang nangyari bilang dagdag motivation,” wika ni Garcia.
Si Cruz ay may limang tres at ito ang tinuran ni Garcia para lumambot ang interior defense ng kalaban.
Mula sa dikitang 34-33 iskor, nagtrabaho sina Cruz, Racal, Nambatac at Almazan sa ikatlong yugto na kanilang dinomina, 19-9, upang lumayo sa 11 puntos, 53-42.
Sina Cruz at Nambatac ay gumawa ng tig-isang tres matapos dumikit ang Chiefs sa 35-39.
Ibinigay ni Almazan, na may pitong puntos sa labanan, sa Knights ang 15-puntos bentahe, 61-46, bago nagpakawala ang Chiefs ng 11-2 palitan para lumapit sa anim, 63-57.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.