Miyembro ng SSS, makakakuha na ng unemployment benefit
MAAARI nang mag-apply ng unemployment o involuntary separation benefit ang mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Ang unemployment benefit ay isa sa mga bagong probisyon sa ila-lim ng Batas Republika 11199 o ang Social Security Act of 2018 at ang ika-pitong benepisyo ng SSS. Maaaring mabigyan ang miyembrong mag-a-apply ng cash benefit sa loob ng dalawang buwan at katumbas ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit (MSC).
Sa pamamagitan ng bagong benepisyong ito, ang mga empleyado na miyembro ng SSS, kabilang na ang mga kasambahay at overseas Filipino oorkers (OFWs), ay mabibigyan ng karagdagang social security protection.
Nilalayon ng unemployment insurance o involuntary separation benefit na makapagbigay sa miyembro ng SSS na di inaasahang nawalan ng trabaho ng pansamantalan mapagkukunan ng kita upang masuportahan ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya.
Halimbawa, ang miyembro na kumikita ng P10,000 kada buwan ay di inaasahang nawalan ng trabaho. Mabigyan siya ng tulong pang-pinansyal sa loob ng dalawang buwan. Ang tulong-pinansiyal ay katumbas ng kalahati ng AMSC miyembro o sa kanyang kaso ay P5,000 kada buwan o P10,000 para sa dalawang buwan na siya ay walang trabaho
Sa SSS Circular No. 2019-11,upang maging kwalipikado sa benepisyong ito, kinakailangan na ang covered employee ay hindi lalagpas sa 60 taong gulang sa panahon na siya ay di inaasahang nawalan ng trabaho. Para naman sa underground at surface mineworker, at racehorse jockey members ay hindi dapat higit sa 50 at 55 taong gulang, ayon sa pagkakabanggit.
Gayundin, kinakailangan na ang miyembro ay nakapaghulog ng kontribusyon na hindi bababa sa 36 na buwan kung saan ang 12 buwan ay dapat na nahulugan sa loob ng 18 buwan bago ang buwan ng pagkawala sa trabaho.
Kinakailangan din na ang mga aplikante ay walang nakuhang unemployment benefit sa nakalipas na tatlong taon bago ang araw na di inaasahang natanggal sa trabaho.
Dagdag pa, kinakaila-ngan na ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ay hindi bunga ng kamalian o kapabayaan ng empleyado na maaaring sanhi ng mga sumusunod ngunit hindi limitado sa paglalagay ng mga aparato upang makatipid sa manggagawa, pagkalabis sa manggagawa, pagbabawas ng manggagawa, pagsasara o pagtigil ng operasyon, at pagkakasakit.
Maaari lamang makakuha ng unemployment insurance o involuntary separation benefit ang isang miyembro ng isang beses kada tatlong taon simula sa araw ng kanyang pagkawala sa trabaho. Kung sakaling magkaroon ng magkasabay na dalawa o higit pa na pangyayari sa parehong panahon, ang pinakamataas na benepisyo lamang ang babayaran.
Kinakailangan ang aplikante na magpakita at magsumite ng mga papeles tulad ng orihinal o kopya ng isang pangunahing ID o dokumento o kung wala naman, kahit anong dalawang ID o dokumento na parehong may pirma at ang isa ay may litrato.
Gayundin, kinakailangan din na isumite ang sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho na inilalabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng mga tanggapan sa mga rehiyon o sa Philippine Overseas Labor Offices (POLO). Kalakip nito ang Notice of Termination mula sa Employer o Affidavit of Termination of Employment.
Maaaring magfile sa naturang benepisyo sa alinman sangay ng SSS dito o sa ibang bansa man. Dapat mai-file ang unemployment insurance o involuntary separation benefit sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkawala ng trabaho.
Babayaran ang unemployment insurance or involuntary separation benefit gamit ang SSS Unified Multi-Purpose ID (UMID) cards na naka-enrol bilang ATM card o sa pamamagitan ng Union Bank of the Philippines Quick Card account. Sa ngayon, inaaasikaso ng SSS na makabilang ang mga bangko sa ilalim ng PESONet at non-bank cash pick-up sa paraan ng pagbabayad ng unemployment insurance.
Nasasaklaw ng benepisyong ito ang pagkawala ng trabaho simula noong Marso 5, 2019.
vvv
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line?
Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected] or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.