Eagle Riggs naiyak: Pinatawad na ang driver na nakabangga sa kanya sa Palawan
PINATAWAD na ng TV host-comedian na si Eagle Riggs ang taong nakabundol sa kanya kamakailan sa Puerto Princesa, Palawan.
Personal na nagtungo sa ospital kung saan naka-confine si Eagle ang driver ng motor na nakasagasa sa komedyante habang tumatawid sa Rizal Avenue Extension sa Puerto Princesa nitong Lunes.
Matindi ang tinamo niyang mga sugat sa mukha at binti na kinailangan pang lagyan ng bakal. Bukod dito, nagkaroon din ng injury sa kaliwang mata ang TV host.
“Two steps more sa sidewalk na ako biglang may tumama na lang sa akin na hindi ko alam kung ano. Ang kuwento na lang sa akin ng mga nakakita, ako raw ay umikot at bumagsak, mukha ko raw ‘yung nahulog.
“Five to ten minutes, pag gising ko na lang may nagdi-drip na dugo at may nakahawak na sa akin,” ang kuwento ng TV host sa isang panayam pagkatapos ng aksidente.
Umiiyak na lumapit kay Eagle (Michael Pangilinan Riggs sa tunay na buhay) ang driver na si Rey Vincent Pacaldo, isang construction worker, habang humihingi ng tawad. Niyakap din nito ang comedian na naiyak na rin sa pagso-sorry ng lalaki.
Ipinost ni Eagle sa kanyang social media accounts ang video ng paghingi ng tawad sa kanya ng driver.
Dito nga mapapanood ang emosyonal nilang pagkikita na pinusuan ng napakaraming netizens. Bumilib sila sa kababaang-loob ni Eagle dahil agad nga nitong napatawad ang nakasagasa sa kanya.
“Mahalin mo ang pamilya mo mahalin mo ang mga anak mo mag-iingat na sa pagmamaneho,” ang umiiyak na mensahe ni Eagle sa driver.
Pagpapatuloy pa niya, “Sana makita mo ulit ako sa kalsada, bumusina ka ha kahit di ako, kahit sino pa yan buhay yan. May mga pamilya yan.”
Bago ang paghingi ng tawad sa kanya ng driver, sinabi ng TV host na gusto niyang makulong ang nakabundol sa kanya para bigyan ng leksyon.
“Importante ang buhay, dapat pinapahalagahan natin, kung meron kang maapektuhan na buhay, mapipilayan, mabubulagan mo siya, how can that person function well?
“Let this be a lesson to those people na hindi masyadong bina-value ang buhay. You should be safe hindi lang para sayo kung hindi para sa mga taong mababangga mo,” ani Eagle sa nauna niyang panayam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.