Sue Ramirez humanga sa tapang ng mga prostitute: Napakahirap ng trabaho nila
Bilib na bilib si Mother Lily Monteverde sa husay ni Sue Ramirez sumagot sa tanong ng entertainment media. Wala kasing arte ang dalaga, diretso at very honest.
Humarap si Sue at ang leading man niyang si RK Bagatsing sa presscon ng movie nilang “Cuddle Weather” na isa sa mga official entry sa 2019 Pista Ng Pelikulang Pilipino.
Prangka at walang pakialam sa pagbibitaw ng Tagalog words si Sue tungkol sa sex organs at iba pang issue na may kinalaman sa sex. Ayon kay Mother Lily, isa si Sue sa mga aktres na malayo ang mararating dahil bukod sa magaling itong artista ay matalino pa.
Eh, bago magsimula ang shooting ng “Cuddle Weather”, kinunan muna sila ni RK para sa poster kung saan kapwa sila nakahubad. Kaya hayun, maraming humanga sa tapang niya pagdating sa pagpapaka-daring, huh!
“I think maganda nga siya at ganoon agad. At least nakita mo na agad ‘yung tao. I mean wala naman tayong malisya rito. May malisya pa na ba kayo sa katawan ninyo? 2019 na!
“Naging comfortable kami ni RK with each other to see the entirety of someone. Naging open agad kami sa isa’t isa. Hindi kami nagkaroon ng ilangan,” pahayag ni Sue.
Isang pokpok at isang call boy ang role ng dalawang bida sa movie kaya naman upang maging makatotohanan ang pagganap nila sa kanilang mga karakter, pumunta sila kasama ang ang kanilang direktor na si Rod Marmol sa mga lugar na tambayan ng mga taong nagbibigay ng pananaliang aliw.
Sabi nga ni Sue, pagkatapos nilang gawin ang pelikula at bigyang-buhay ang karakter ni Adela Johnson na isang prostitute, mas humanga at mas naintindihan niya ang pinanggagalingan ng mga ito.
Aniya, hindi dapat husgahan, pandirihan at pagtawanan ang mga tulad ni Adela dahil hindi madali ang ginagawa nilang sakripisyo para lang mabuhay ang kanilang mga pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.