‘Na-feel ko po talaga noon na wala na ang Andrew E magic’
ANG saya-saya ni Andrew E nang makatsikahan namin pagkatapos ng mediacon para sa bago niyang pelikula, ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” na ginanap sa sa Music Hall, Metrowalk, Pasig City.
Kuwento ni Andrew pagkalipas ng anim na taon ay may pelikula na ulit siya, kasama pa ang mga kaibigan niyang sina Janno Gibbs at Dennis Padilla, directed by Al Tantay at showing na sa Sept. 4.
Huling nagkasama sina Andrew at Dennis sa pelikulang “Raketeros” noong 2013 kasama sina Herbert Bautista, Long Mejia at Ogie Alcasid mula sa Heaven’s Best Entertainment na idinirek ni Randy Santiago.
Ang pagkakaalam ni Andrew ay 12 years siyang nabakante sa paggawa ng pelikula pero nang i-check namin ang filmography niya, bago ang “Raketeros” at “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” ay 2003 ang huli niyang pelikula na “A.B. Normal College” kasama sina Rufa Mae Quinto, Jen Rosendahl, Patricia Javier, Mikey Arroyo at Ogie Alcasid na idinirek din ni Al Tantay. Sa madaling salita, hindi lang 12 years kundi 16 years.
Anyway, hindi naman tuluyang nawala sa limelight si Andrew dahil ang huling teleseryeng ginawa niya ay ang Dolce Amore noong 2016 at nakasama rin siya bilang isa sa Sing-vestigators ng I Can See Your Voice na muling napapanood sa ABS-CBN tuwing Sabado.
“Sa totoo lang simula nu’ng F4 generation, tapos ‘yung Pinoy Big Brother), 2004 ‘yun, doon na ako naniwala na wala na ang Andrew E magic.
“Pero naniniwala pa rin ako na hindi pa rin nawawala ‘yung talento ko, ‘yung magic lang, the Andrew E magic.
“In fact, kung ire-revisit mo ‘yung history ng 2004, doon mo mapapansin at ramdam mong hindi na ako visible at mind you, doon ako nag-isip na dahil may pamilya ako at paano na kung wala na itong showbiz generating hanapbuhay, ano ang puwede mong gawin?
“So, from that 2004, doon ako na-in love ulit sa aking dating love. At ang dating love ko ay ang pagiging BSCS ko, ibig sabihin no’n, Computer Science (kurso niya).
“Lingid sa kaalaman ng tao bago ako naging artista, BSCS ako, although hindi ako graduate but BSCS in line at sa Computer ang linya ko, sabi ko kailangang gumawa ako ng something for my family in line na hindi na showbiz para naman mag-equate ito pagdating ng araw, at mapakinabangan ko in case magtutuloy-tuloy itong kahinaan ng showbiz.
“Ito ang inabutan n’yo ngayon kasabay nitong bagong movie, Sanggano, Sanggago’t Sangwapo,” sabi ng rapper-comedian sabay pasalamat sa ABS-CBN dahil hindi siya tinanggal sa I Can See Your Voice.
Samantala, pinasalamatan din ni Andrew si Janno at ang mga bossing ng Viva Films dahil, “Si Janno po ang nag-bring up ng pangalan namin ni Dennis sa table ni boss Vic (del Rosario) kaya po natuloy ang pelikulang ito.
“And at the same time I would like to thank also Viva Films for creating more space for us dahil alam naming masikip na masikip na at every week nagsisimula ng bagong pelikula at nagkaroon pa kami ng space para sa pagbabalik nina Mokong, Astig at Gamol. So, boss Vic maraming salamat po!” aniya pa.
Iikot ang kuwento ng “SSS” sa magkakaibigang Andy (Andrew), Dondon (Dennis) at Johnny (Janno). Si Johnny ay anak ng mayamang businessman na siyang magpapatuloy ng lahat ng negosyong naiwan ng kanyang magulang at dito na nga magkakaroon ng twists sa kuwento.
Old school comedy ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” ayon sa tatlong bida ng pelikula, ito’y dahil gusto rin daw ni boss Vic na ibalik sa big screen ang nakasanayang istilo ng pagpapatawa para sa buong pamilya na kahit medyo naughty o may pagkapilyo ay swak na swak pa rin sa lahat ng manonood.
In fairness, nakakatawa naman ang trailer ng pelikula at siniguro naman daw nina Janno, Andrew at Dennis na makaka-relate rin dito ang millennials.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.