Seth Fedelin kay Andrea Brillantes: Mapang-asar siya, pero pag ako ang nang-asar pikunin naman
NABIGYAN ng kakaibang meaning ang closeness nina Seth Fedelin at Andrea Brillantes bilang magka-loveteam sa teleseryeng Kadenang Ginto ng DreamscapePH.
Sa mga social media post ng dalawang Kapamilya youngstars, kitang-kita ang kanilang kulitan at asaran. At natural lang daw ‘yan sa kanila ayon mismo kay Seth.
Nakausap namin kamakailan ang binatilyo sa opening ng Tikka Tikka Taco Wraps sa SM City Dasmariñas, Cavite na pag-aari ng kinakapatid niyang si Neil Coleta.
“Ewan ko du’n! Ang kulit niya talaga. Yung tipong seryoso ako tapos biglang susundutin ang ilong ko! Kakatawa siya.
Tapos mapang-asar pa pero kapag ako naman ang nang-asar sa kanya ayon pikunin naman!” bulalas ni Seth na halatang may jetlag pa dahil halos walang pahinga ang newest Teen Sensation dahil pag-uwi niya sa bansa mula Amerika ay taping agad siya para sa Kadenang Ginto.
Speaking of Amerika, ito ang kauna-unahang out of the country trip ni Seth kung saan nakasama siya para sa ASAP Bay Area show.
“Ang saya ko lang po dahil ke-bago bago ko po sa showbiz, tapos napasama po ako sa grupo papunta doon. Kaya nagpapasalamat po ako sa mga bossing natin, salamat talaga sa opportunity. Sa mga fans namin, salamat din sa inyong patuloy na pagsuporta sa akin, sa amin ni Andrea,” aniya pa.
Inamin din nitong tumatak sa kanya ang Golden Gate, napapanood lang daw kasi niya ito sa mga pelikula.
“Opo! Ibang klase siya. Yung bridge. Saya. Yun yung pinuntahan naming tumatak sa akin. First time ko po, eh!” bungisngis pa nitong tsika sa amin.
Sa tambalan nila ni Andrea, marami pang aabangan ang kanilang mga supporters, “Naku! Marami pa po! Basta! Hindi pa po puwedeng sabihin. Patuloy lang silang manood ng Kadenang Ginto. Tsaka ngayong August na rin po ipapalabas ang pelikula namin ni Ate Beauty (Gonzalez), ang ‘Abandoned’ sa iWant po yan.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.