'Rico Yan' ng Cebu waging Ultimate Bidaman ng Showtime; isasama sa MMFF entry nina Vice at Anne | Bandera

‘Rico Yan’ ng Cebu waging Ultimate Bidaman ng Showtime; isasama sa MMFF entry nina Vice at Anne

Ervin Santiago |August 11,2019
facebook
share this

‘Rico Yan’ ng Cebu waging Ultimate Bidaman ng Showtime; isasama sa MMFF entry nina Vice at Anne

Ervin Santiago - August 11, 2019 - 12:50 PM

ANG Cebuanong si Jin Macapagal ang pinakanakitaan ng potensyal na susunod sa yapak ng kanyang mga iniidolong artista matapos tanghaling Ultimate Bidaman sa “Bidaman: The Big Break” grand finale ng It’s Showtime kahapon.

Si Jin, 24, ang namayagpag laban sa 11 na iba pang grand finalists sa iba’t ibang challenges na sinubok ang kanilang kakayahan sa pag-arte, koneksyon sa audience, at stage presence.

Sinelyuhan ni Jin ang pwesto niya sa kumpetisyon matapos niyang makakuha ng average score na 8.9 sa huling “The Spotlight” challenge kung saan kinailangan nilang umarte nang mag-isa gamit ang kanilang sariling piyesa. Tinalo niya ang kapwa top 3 contenders na sina Eris Aragoza (8.6) at Jiro Custodio (8.3).

Dahil sa kanyang performance at looks, tinawag siya ng huradong si Edu Manzano na “young Rico Yan.”

Ibinida rin ni Jin ang husay niya sa pakikipagsabayan sa aktingan kasama ang isang leading lady sa “Matinee Matibay” challenge, kung saan nakaeksena niya ang aktres na si Jane Oineza. 

Ipinamalas din ni Jin, na isang physical therapy graduate, ang galing niya sa pagsayaw sa unang “Bida Moves” challenge.

Bilang Ultimate Bidaman, wagi si Jin ng P1 milyon, management at movie contract sa ABS-CBN, isang bagong pick-up truck mula sa SsangYong, house and lot mula sa Lumina, at role sa 2019 MMFF movie nina Anne Curtis at Vice Ganda.

Nakakuha naman ng tig-P100,000 ang runners-up na sina Eris at Jiro, samantalang nanalo ng tig-P20,000 ang iba pang grand finalists.

Kasama sa mga huradong kumilatis sa Bidaman grand finalists sina Angel Locsin, Nadine Lustre, Joshua Garcia, Ian Veneracion, Edu Manzano, ABS-CBN TV production narrative head Ruel Bayani at ang head hurado at It’s Showtime director na si Bobet Vidanes.

Maraming netizens naman ang sumubaybay sa pagkapanalo ni Jin at tagisan ng grand finalists dahil nag-trend sa buong mundo at sa Pilipinas ang hashtag na #BidamanTheBigBreak sa Twitter.

Dapat naman na abangan ng mga manonood ang bagong segment na “Mr. Q & A” sa noontime show ng ABS-CBN.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending