PBB Otso Big Winner Yamyam babalik sa pag-aaral: Gusto ko talagang maging guro
PLANONG tapusin ng itinanghal na Pinoy Big Brother Otso Big Winner na si Yamyam Gucong ang kanyang pag-aaral para tuparin ang kanyang pangarap na maging teacher.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Yamyam na siya ang nanalo sa katatapos lang na reality show ng ABS-CBN.
Sabi ng binata, hindi niya inakala na magagawa niya ang lahat ng matitinding task at challenges na hinarap nila sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Sobrang saya ko po na umabot ako day dulo, ‘yung gaano man kahirap ang buhay sa loob ng bahay ni Kuya, talagang na refresh sa akin ngayon na tinanghal ako na ultimate big winner,” ang pahayag ni Yamyam.
Nag-thank you rin siya sa mga nakasama niyang housemates sa Big Brother house na aniya’y naging bahagi rin ng kanyang tagumpay.
“Thank you po na naramdaman ko na kahit hindi ko alam at wala akong ka alam-alam sa outside world talagang naramdaman ko na hindi ako nag-iisa, andito po ‘yung mga taong sumusuporta sa akin, si Kuya na nagbigay aral sa akin at syempre po ang Panginoon na gumagabay sa akin,” lahad pa ni Yamyam.
Siyempre, sa kanyang mga mahal sa buhay inialay ni Yamyam ang kanyang tagumpay. Gagamitin daw niya ang napanalunang pera para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
“Iaalay ko po sa nagbigay sa akin ng inspirasyon, ‘yun po yung aking pamilya po,” aniya pa.
Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang kanyang kapwa housemate sa PBB Otso na si Fumiya Sankai na naging BFF na rin niya sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Noong magkasama kami sa loob, nag-give way siya sa akin para ibigay sa akin ‘yung chance na maging big 4 at parang bigay na din niya sa akin ang oportunidad na ganito po, kaya salamat po sa kaibigan ko na naging pamilya ko sa loob nag bahay,” chika pa ni Yamyam.
At ngayong nasa outside world na uli siya, bitbit ang tagumpay at mga bagong aral ng buhay na natutunan niya sa PBB Otso, balak ni Yamyam na bumalik sa pag-aaral para sa katuparan ng kanyang pangarap na maging isang guro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.