USONG-USO ngayon ang online shopping. Hindi mo na kasi kailangang sumuong sa trapik para makabili ng kailangan mo at dadalhin na ito sa iyo.
Kung minsan libre pa ang delivery charge kaya ayos na ayos.
Kung pupunta ka nga naman sa mall para bumili ng P50 na item tapos mamamasahe ka, malamang mas malaki pa ang gastusin mo. Kaya prefered ng marami na mag- online shopping na lang. Hihintayin mo nga lang na ma-deliver kay hindi pwede kung kailangan mo na ang gamit asap.
Sa maraming pagkakataon, batay sa aking karanasan, naririnig at nababasa sa mga review, ay naide-deliver sa oras ang mga item. Minsan ay mas maaga pa nga sa schedule kaya happy si buyer kay seller.
Kaya lang, sa unang pagkakataon ay napadalhan ako ng depektibong electronic item. Nai-deliver nang maaga ang item at maayos ang packaging nito. Naka-bubble wrap at transparent plastic wrap (ito naman ang gusto ko sa Lazada, OK ang packaging).
Nang buksan ang biniling telebisyon ay isang oras lang ito napanooran tapos nawala na ang picture. Wala nang mapanood, sound na lang. Kahit na ‘yung volume o channel ay hindi na lumalabas sa screen.
Pwede namang isoli ang depektibong item. Good.
Kaya lang bakit ganun, ang tagal ng kanilang courier na tumawag upang ma-schedule ang pickup ng sirang gamit? Noong Hulyo 30 pa nakalagay sa order status na ‘pending pickup’ pero hanggang kahapon (Martes, Agosto 6) ay wala pa ring tumatawag.
Tumawag ako sa customer service nang dalawang beses. Ang unang nakausap ay humingi ng paumanhin sa nangyari at nagsabi na hintayin lang ang tawag. Sa ikalawang tawag ko noong Lunes ay sinabi na medyo matagal daw talaga, mga 7-14 days daw para ma-pickup ang item.
Sana lang, kung anong bilis nila mag-deliver, ganoon din sila kabilis kumuha ng sirang gamit. Nakaka-stress kaya, baka masayang ang perang ibinayad lalo at hindi naman iyon sa akin, ipinabili lang.
Ang TV ay gagamitin para matulungan sa pag-aaral ang mga estudyante sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City.
Ang ipinambili rito ay ambagan ng mga magulang ng mga estudyante at guro.
May panawagan sa Kamara de Representantes para panghimasukan ng Department of Trade and Industry ang mga ibinebentang gamit sa mga online selling portals.
Ang gusto lang naman ni PBA Rep. Koko Nograles ay masiguro ang quality ng ibinebentang gamit upang maproteksyunan ang mga mamimili.
Sinabi ni Nograles na maaaring gumawa ng batas upang ma-regulate din ang mga online selling portals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.