Kris gagawin ang horror movie para sa MMFF kahit may sakit
Sinasabi na nga ba. Pabagu-bago ang takbo ng isip ni Kris Aquino, mahirap tayaan ang kanyang mga salita, oo siya ngayon pero hindi na bukas.
Baligtarin natin ang sitwasyon, hindi ang sinasabi niya ngayon, pero bukas ay oo naman pala. Kaya mahirap magsalita nang tapos kapag si Kris Aquino na ang paksa.
Ayon sa kanyang kampo ay hindi niya magagawa ang pelikulang pagtatambalan nila ni Derek Ramsay na pang-MMFF, hindi kasi pumayag ang kanyang mga kapatid, inaalala ng mga ito ang kanyang kalusugan.
Mahihirapan daw si Kris sa shooting dahil mainit, hindi rin niya sigurado ang kanyang paligid, napakalaking problema nu’n sa pag-atake ng kanyang allergies.
Ang kanyang kundisyon ang inaalala ng mga nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya, hindi pa ganu’n kalakas si Kris para muling magtrabaho, pero ang pinakahuli niyang pahayag ay gagawin niya pa rin ang pelikula.
Magsisimula na raw siyang mag-shooting, magtatrabaho na raw uli siya, kaya masaya ang kanyang mga loyalista na anuman ang mangyari ay nag-aabang lang sa magiging desisyon ng kanilang idolo.
Harinawang makabalik na nga sa pag-arte si Kris Aquino, maraming nanghihinayang kung hindi siya ang gaganap sa horror movie nila ni Derek, siya lang daw kasi ang makapagbibigay ng hustisya sa role dahil kanya ang titulong Horror Queen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.