SINABI ng Palasyo na kung si Pangulong Duterte ang masusunod lubid ang nais niyang gamitin sakaling maibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
“Aba’y kung tatanungin mo siya, walang gastos eh ano na… lubid,” sabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes, isinulong ni Duterte ang pagbabalik ng parusang bitay para sa sangkot sa iligal na droga at plunder.
“Depende iyon sa Congress. Sila naman nagde-decide eh. His is to suggest, sa tingin niya mas makakatulong iyon,” ayon pa kay Panelo.
Idinagdag ni Panelo na ang iligal na droga at katiwalian ang pangunahing problema ng bansa kayat ito ang isinusulong ni Duterte para mapatawan ng bitay.
“Eh kasi as a general rule, ayaw nga natin ng death penalty hindi ba sabi ng Constitution, unless Congress by a passage of a law allows it. Kaya ang feeling ni Presidente ‘yan ang pinakamabigat na problema natin. One, is corruption; number two, is iyong sa droga kaya siguro mas gusto niya iyon – hoping that it will mitigate the upsurge of this drug menace as well as the plunderous activities of the plunderers,” dagdag ni Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.