Letran Knights naungusan ang Perpetual Altas sa overtime | Bandera

Letran Knights naungusan ang Perpetual Altas sa overtime

Melvin Sarangay - , July 19, 2019 - 08:44 PM

NAGPAMALAS ng katatagan ang Letran College Knights sa krusyal na yugto ng laban bago naungusan sa overtime ang University of Perpetual Help Altas, 82-80, para mauwi ang ikatlong diretsong panalo sa kanilang NCAA Season 95 men’s basketball game Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Humablot si Jeo Ambohot ng dalawang offensive rebound bago nakaiskor ng isang clutch layup para ibigay sa Knights ang 81-79 kalamangan may 12.4 segundo ang nalalabi sa overtime period.

Sinubukan ni Perpetual guard Jielo Razon na ihatid ang laro sa ikalawang overtime subalit sumablay ang kanyang baseline jumper para ipagkaloob sa Letran ang 3-1 record.

Pinamunuan ni Bonbon Batiller ang Letran sa kinamadang 22 puntos habang si Ato Ular ay nagtala ng double-double sa ginawang 19 puntos at 13 rebound.

Nag-ambag naman si Larry Muyang ng 10 puntos at siyam na rebound habang si Ambohot ay nagdagdag ng siyam na puntos at 13 rebound.

Pinangunahan naman ni Edgard Charcos ang Altas sa ginawang 15 puntos, walong rebound at 10 assist.

Sa ikalawang laro, nakuha ng Lyceum of the Philippines University Pirates ang ikalawang panalo matapos padapain ang Mapua University Cardinals, 79-71.

Galing ang Pirates sa dikit na pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College Generals, 84-82, bago talunin ang Cardinals para umakyat sa 2-1 kartada.

Bumida si Jaycee Marcelino para sa Lyceum sa itinalang 14 puntos, pitong rebound, dalawang assist, dalawang steal at dalawang shotblock habang nagdagdag si Ralph Tansingco ng 14 puntos. Nag-ambag si Jayson Caduyac ng 10 puntos, 12 rebound at limang assist para sa Pirates.

Namuno naman si Paolo Hernandez para Mapua, na nalaglag sa 0-3 karta, sa ginawang 19 puntos at limang rebound.

Sa ikatlong laro, hinatid ni Agem Miranda ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa una nitong panalo matapos makapagbuslo ng clutch 3-pointer para sa 80-77 pagwawagi kontra Arellano University Chiefs.

Ang panalo ay pumutol sa tatlong sunod na kabiguan ng Heavy Bombers na umangat sa 1-3 record habang ang Chiefs ay nalasap ang ikatlong diretsong pagkatalo.

Si Miranda, na itinabla ang laro sa 77-77 may 29.3 segundo ang natitira sa laro, ay nagtapos na may 26 puntos at limang rebound para sa JRU.

Nag-ambag si Stefan Steinl ng 14 puntos at walong rebound para sa Heavy Bombers habang si John Delos Santos ay may pitong puntos at 12 rebound.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nanguna si Rence Alcoriza para sa Chiefs sa ginawang 21 puntos at apat na assist.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending