DALAWAMPU katao, karamiha’y leisure diver, ang nasagip matapos itaob ng ipo-ipo ang kaanilang bangka sa bahagi ng dagat na malapit sa Bogo City, Cebu, Lunes, ayon sa Coast Guard.
Nasagip ng napadaang motorbanca ang 17 diver at tatlong crew ng bangkang Thresher Shark Cove, at dinala sila sa pabalik sa Malapascua Island, ani Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard.
Bago ito, dakong alas-9:30 ng umaga, umalis ng Malapascua ang bangka patungong Capitancillo Islet, ngunit nahagip ng ipo-ipo makaraan ang isang oras ng paglalayag, ani Balilo, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Inulat ng empleyado ng isang dive shop ang insidente sa Coast Guard Sub-Station Remigio kaya nagkasa ng search and rescue operation, hanggang sa maiulat na nasagip na ng motorbanca ang mga sakay ng tumaob na bangka.
Dahil dito’y inantay na lang ng rescue team at tauhan ng iba pang ahensiya ang mga nasagip na dumating sa Malapascua para mabigyan ng karagdagang tulong, ani Balilo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.