McCoy de Leon iwas muna sa babae: Saka na po muna ang lovelife | Bandera

McCoy de Leon iwas muna sa babae: Saka na po muna ang lovelife

Reggee Bonoan |July 08,2019
facebook
share this

McCoy de Leon iwas muna sa babae: Saka na po muna ang lovelife

Reggee Bonoan - July 08, 2019 - 12:05 AM

“OPO tama, mas nakakapag-concentrate nga po sa career kapag walang lovelife.”

Ito ang tumatawang pagsang-ayon sa amin ni McCoy de Leon nang sabihan naming ‘wag na munang mag-lovelife dahil istorbo sa trabaho, pati na rin sa bulsa.

Matagal na rin silang hiwalay ng young actress na si Elisse Joson at nagkanya-kanya na rin sila ng career path at magkahiwalay na rin ang mga projects nila. Pero kahit wala na kanilang loveteam at patuloy pa rin silang sinusuportahan ng McLisse fans.

Nakatsikahan namin ang aktor sa pictorial para sa gagamiting poster at publicity photos ng pelikulang “G!” mula sa Cineko Productions sa direksyon ni Dondon Santos.

Matagal pa ang showing ng “G!” pero kinailangan na nilang mag-pictorial dahil ang hirap pagsama-samahin ng cast tulad nina McCoy, Paulo Angeles, Mark Oblea, Kira Balinger at Jameson Blake dahil lahat sila ay abala sa kani-kanilang pelikula, taping at recording.

Tulad ni McCoy na sa sasakyan na lang natutulog kapag sume-segue sa taping ng Ang Probinsyano at out of town shows. Hindi na nga raw niya nahihigaan ang kama niya.

Bago nakapasok bilang miyembro ng Hashtag ang binata ay nag-aaral siya sa Mapua (Civil Engineering) pero dahil sumikat na at dumami na ang projects ay kinailangan muna niyang huminto.

“Third year po ako nu’ng huminto ako, sinubukan ko pong isabay dati ang showbiz at pag-aaral, kaso hindi kinaya. Pero sabi ko, kahit anong mangyari tatapusin ko ang pag-aaral ko hindi lang para sa sarili ko kundi para sa parents ko na rin.

“Dami ko na pong naambag na units at oras kaya sayang kung hindi ko tatapusin. 2014 po ako nag-stop pero nandoon pa rin ‘yung connections ko, mga kaklase ko. Sabi ko nga baka sila na ang maging prof ko pagbalik ko,” kuwento ng binata.

Hindi na namin napapanood ang Hashtags sa It’s Showtime, wala na ba sila roon kung saan sila unang nakilala? “’Yung Showtime po, hindi po nawala, sumasayaw pa rin po kami. Sa Bida Man, minsan isinasalang po kami pero hindi na po araw-araw,” pahayag ng aktor.

So far hindi naman nababakante si McCoy dahil kaliwa’t kanan pa rin ang trabaho niya, “Sa awa po ng Diyos. Ang Probinsyano po ang regular show ko, then katatapos lang naming mag-shoot para sa movie naming ‘Block Z’ (kasama sina Joshua Garcia at Julia Barretto).”

Samantala, dahil sa dami ng trabaho ni McCoy sa showbiz ay nakapagpatayo na siya ng building na may apat na palapag na pinauupahan nila.

Nang una naming makausap ang aktor noong nagsisimula palang siya sa Hashtag ay nabanggit niyang sana ay sumikat siya para mapa-renovate niya ang bahay nila sa Divisoria. Yung ibabang bahagi nito ay pinauupahan nila sa vendors.

Hindi apektado ang lugar nila sa ginawang oplan linis ni Manila Mayor Isko Moreno dahil hindi naman sinakop ng mga umuupa sa kanila ang kalsada.

“’Yung street po namin sa loob po at palengke na ‘yun, kung baga hindi na malilinis kasi,” pahayag ni Mccoy.

Anyway, ang pelikulang “G!” na ang ibig sabihin ay “game” na termino ng millennials ngayon kapag may mga gusto silang gawing magkakaibigan.

Ayon kay McCoy, magkakaibigan sila nina Jameson, Mark at Paulo sa kuwento na maraming pagdaraanang adventures sa buhay, “Coming of age po kasi ang kuwento ng ‘G!’ na maraming napagdaanan during our road trips,” say ng aktor.

“Ang saya ng buong shooting namin, naging pamilya na po kaming lahat, pati buong production kasi smooth ang trabaho,” sabi pa ng aktor.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Base sa impormasyon na nakuha namin habang sinu-shoot ng grupo ang pelikula ay ang saya-saya nila dahil maraming girls sa movie at dahil coming of age nga ang tema nito ay nai-imagine na namin kung ano ang ibig sabihin ng mga boys.

Anyway, as of now ay wala pang playdate ang “G!” kaya sa mga fans nina McCoy, wait na lang kayo sa annoucement ng Cineko.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending