Umalma sa promo ng produktong pampapayat Babala ni Aiko sa online seller: Wag n’yo akong gamitin para makabenta
BINALAAN ni Aiko Melendez ang may-ari ng isang online business matapos mabuking na ginagamit ang pangalan at litrato niya para makakuha ng mga customer.
Na-bad trip ang award-winning actress nang makarating sa kanya na ang mga “before and after” photo niya ang ginagamit ng online seller para i-promote ang isang produktong pampapayat at maka-attract ng customers at distributors para sa kanilang networking business.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, winarningan ni Aiko ang mga taong nasa likod ng nasabing online business at ipinamukha sa mga ito na ilegal ang paggamit sa kanyang pangalan at litrato sa mga advertisement at promotion para sa isang slimming product.
“Nakakainis yung nagbabayad ka para sa isang produkto tapos ang ending gagamitin ung name at pictures mo para makabenta ng product nila. I’m upset!” ang simulang pahayag ng aktres.
“Iba ang endorser sa paying customer. Sa aming mga artista ung pag gamit ng pictures namen sa halos lahat ng promotional sales nyo. That’s a big no no… Just saying.
“Hindi naman porket mabait sa inyo. Gagamitin na agad pictures namen,” pagpapatuloy pa ni Aiko.
Pagbabanta pa ng dalaga, “This is already a warning post. Pls. stop using my pictures to gain sales. You didn’t ask permission for my pictures to be used in your networking business.
“I may have tried your product, but to claim that my weight loss was because of your product IS NOT RIGHT, AND DEFINITELY NOT TRUE! Lalo na kung wala naman nakikipag-usap sa akin and my management team regarding endorsement of your company. Bring down your posts pls!” dagdag pa ng bagong lipat na Kapuso actress.
Samantala, ipinaalam din ni Aiko sa kanyang social media followers na hindi na muna siya papayag sa mga nagre-request ng video greetings, lalo na sa mga hindi pa niya kilala.
“Dun sa mga nag-PM sa akin para sa video greet na-trauma na ako po. Nagpapa-greet kayo ng Happy Birthday tapos papakita nyo sa video slides n’yo na gumagamit ako ng produkto n’yo. Ano kaya yun?
“Kaya pasensya na po hindi ako gagawa muna ng video greet kahit kanino po. Pasensya na po,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.