Erik, Angeline, Korina sanib-pwersa para tuparin ang wish ng teacher, lola | Bandera

Erik, Angeline, Korina sanib-pwersa para tuparin ang wish ng teacher, lola

|June 15,2019
facebook
share this

Erik, Angeline, Korina sanib-pwersa para tuparin ang wish ng teacher, lola

- June 15, 2019 - 12:54 AM


HINDI lahat ng pangarap ay natutupad, pero para sa isang bayaning guro at matiyagang lola, isang sulat lang sa Rated K ang kinailangan para magkatotoo ang kanilang hiling.

Kasama ang Kapamilya artists na sina Erik Santos at Angeline Quinto, agad  inaksyunan ng programa ni Korina Sanchez-Roxas ang mga kakaibang hiling para sa high school teacher na si Beth Sangalang at ang nais maging songwriter na si Francisca Teje o Lola Fe.

Sinorpresa nina Korina ang guro ng isang live performance mula sa Prince of Pop ng OPM, at tinupad naman ang pangarap ni Lola Fe na marinig ang sinulat niyang kanta na inaawit ng Queen of Teleserye Theme Songs.

Nakilala ng Rated K si Beth sa sulat ng dating estudyante nitong si Arjay Velasco na nais pasalamatan ang kanyang guro na kumupkop sa kanya at nagpaaral sa kanya nung muntik na siyang tumigil sa pag-aaral.

Naging OFW na si Arjay sa Dubai, ngunit hindi niya nakalimutan ang kanyang minamahal na guro na tinuturing niyang bayani.

Nag-email siya sa Rated K at humingi ng video greeting mula sa paborito nilang singer na si Erik. Pero hinigitan pa ito ng programa na dinala mismo si Erik sa high school reunion nila para personal na awitan ang butihing guro.

“Sumulat ako kasi talagang kilala ang Rated K sa pagbibigay ng sagot sa mga kahilingan,” sabi ni Arjay.

Samantala, matagal nang pangarap ni Lola Fe na magsulat ng kanta pero hindi niya ito napursige dahil sa hirap ng buhay.

Nag-kasambahay siya para masuportahan ang pamilya pero hindi niya mabitawan ang pangarap.

Sa kanyang sulat sa Rated K, sinabi ng 72 anyos na lola na nais niyang makanta ng isang Kapamilya artist ang kanyang mga komposisyon. Tinupad ito ng programa sa tulong ni Jonathan Manalo ng Star Music, na siyang nag-areglo ang kanta niyang “Maraming Salamat Mahal,” na kinanta naman ni Angeline. Ilalabas nila ang awit bilang single at makukuha ni Lola Fe ang lahat ng kikitain nito.

“Matanda na ako, ngunit patuloy akong nangarap na matutupad ang pangarap ko,” sabi ni Lola Fe. “Maraming salamat sa Rated K kasi kayo lang ang pumansin sa akin at dumito pa kayo para matupad ang kahilingan ko.”

Ang Rated K ang premyadong news magazine program ng ABS-CBN na nagtatampok ng mga kwentong Pinoy na kakapulutan ng impormasyon, aliw, at inspirasyon. Isa rin ito sa mga programa ng ABS-CBN na nag-aabot ng tulong sa mga Kapamilyang nangnangailangan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Panoorin ang Rated K tuwing Linggo, 8:45 p.m. pagkatapos ng Wansapanataym sa ABS-CBN. Panoorin ito online sa iwant.ph o sa skyondemand.com.ph. I-follow ang “Rated K” sa Facebook at Twitter (@RatedKofficial). Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNpr sa Facebook, Instagram, at Twitter, o pumunta sa abscbnpr.com.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending