KAMUSTA, Ateng Beth?
Si Norma po ito. Isa po akong OFW at kasalukuyang nakabakasyon ngayon dito sa Pilipinas.
Babalik na po ako sa Dubai sa isang buwan. Ang problema ko po ay isasama ko na ang isa kong anak na babae para sa Dubai na rin magtrabaho. Ang kaso hindi ko pa sinasabi sa tatay niya. Kasi hindi iyon papayag.
Hindi naman na minor ang anak ko, sarili niyang desisyon ang sumama sa akin at doon magtrabaho.
Ano kaya ang dapat kong gawin?
Salamat Ateng Beth.
Norma
Magandang araw sa iyo ate Norma.
Ano ka ba naman, hindi kita maintindihan. May desisyon ka na pala na isama ang anak mo at huwag ipaalam sa mister mo, tapos bigla ka namang maghahanap ng kakampi sa iyo ngayon.
Lahat naman ng sagot sa pwedeng itanong ng ibang tao ay may sagot ka na, so ano pa ine expect mong isasagot ko? Hahaha…
Alam mong hindi papayag ang asawa mo, so ngayon ang paghandaan mo ay ang galit niya. Tiyak na away ito.
Pero pwede namang iwasan iyan kung ikaw mismo ang makikipag-usap ng malumanay. I-explain sa kanya nang maayos ang plano ng anak ninyo, tutal hindi naman na pala siya menor-de-edad.
Kung kusang loob ng anak mo na sumama sa iyo sa ibang bansa at doon magtrabaho, ay desisyon niya, at iyan ang mahalagang explanation na dapat mong ipabatid sa iyong mister.
Question lang din, bakit si anak ang mag-o-OFW, bakit hindi si tatay o ikaw na lang? Tapos na bang mag-aral ang anak ninyo?
Hindi masama maging OFW, ayaw ba niya rito sa ating bansa mag-work? O baka pinili niya iyon dahil gusto niya kayong makasama nang matagal. Kung ano mang rason kung bakit niya gustong mag-OFW ay ikaw lang ang nakakaalam niyan. Ang maipapayo ko lang ay gawin ninyong mag-asawa kung anong higit na makabubuti sa inyong anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.