Shaina umiwas pag-usapan si John Lloyd: Nananahimik yung tao, irespeto natin kung nasaan siya ngayon
MAY jetlag pa si Shaina Magdayao nang dumalo siya sa presscon para sa iWant digital series na Past, Present, Perfect?.
Kararating lang daw niya galing France kung saan dumalo siya sa Cannes Lions Festival 2019 bilang representative ng pelikulang “Hupa” ni Lav Diaz kasama si Piolo Pascual. Sobrang overwhelming ang pakiramdam ng aktres dahil nakita niya ang mga sikat na artista at director mula sa Hollywood, Bollywood at iba pang Asian countries.
Tinanong namin si Shaina kung nag-renew na siya ng kontrata sa ABS-CBN Star Magic, “Hindi pa po,” kaswal na sagot sa amin.
Pero kinlaro ng dalaga na mananatili siya sa Kapamilya Network, “So far maganda ang aking pagbabalik from Cannes at itong Past, Present, Perfect, so far maraming magagandang nangyayari sa buhay ko ngayon, all unexpected. Masaya ako ngayong 2019 parang tinatanggap ko ang 30th birthday gift ni Lord sa akin. So, unang quarter pa lang ng taon ang daming magagandang bagay na nangyari sa akin kaya nagpapasalamat ako.”
Nabanggit pa ni Shaina na walang dahilan para umalis siya sa ABS-CBN ngayon dahil ang daming magagandang nangyayari sa kanyang career kaya ini-embrace niya lahat ng ito.
Nagpapasalamat din si Shaina pati na ang iba pa niyang kasama sa Past, Present, Perfect dahil nag-trending ang iWant series nila sa Twitter.
“I was still in Europe nu’ng ipalabas ito and natuwa ako na maraming naka-appreciate and hindi ko maangkin na 100% kasi meron akong ibang ginagawa nu’ng ginawa ko ito which is The Hult, ang Hupa na ipinalabas sa Cannes. Sabay kong ginawa and katatapos lang din ng Asintado (serye) if I remember correctly, so parang bago for me kasi it’s the first time na gumawa ako ng ganito ka-light.
“Tapos si Direk Dwein Baltazar parang sobra lang niyang kalma sa set so hindi ko alam kung tama ba ‘yung ginagawa ko, parang pag sinabi niyang cut, good and keri. Pag gumanu’n na siya, parang sa loob-loob ko, ‘direk tama ba ‘yung ginawa ko?’
“Kasi sanay akong umiiyak, nagagalit lahat ng mabibigat ginawa ko na at hindi ako sanay na ganito ka-light ‘yung project na ibinibigay sa akin. So sobra akong grateful na ipinagkatiwala sa akin ng Epic Media, ni direk Dwein and also ni Miss Ginny (Monteagudo-Ocampo) na nakatrabaho ko na rin before sa the Better Half,” kuwento ni Shaina.
Hindi naman sinagot ni Shaina kung may offer sa kanya ang ibang TV network, “Sabi ko po sa ngayon, I am a Kapamilya, I am here in ABS, we are all here in ABS and I’m doing another project for ABS.
“Sa buong karera ko, sa buong pinagdaanan ko hindi naman natin maiaalis na nagpapasalamat ako, well number 1 sa ABS kasi dito na ako lumaki and also sa kabilang istasyon kasi doon ako nagsimula,” aniya.
Kaya lang hindi pa nakakapag-renew ng kontrata niya si Shaina sa ABS-CBN Star Magic ay dahil panay ang alis niya.
“Nu’ng March po kasi nagpunta ako ng Madrid (Spain) for show for our Kapamilyas sa TFC, and then nagpahinga ako, I extended for a while, pagdating ko tinapos namin ‘yung The Hult, tinapos namin ‘to (Past, Present, Perfect) tapos after two weeks nakatanggap ako ng tawag na nakapasok kami sa Cannes, so kinailangan ko ulit umalis.”
Okay ba kay Shaina na makatrabaho si John Lloyd Cruz kung sakaling magbalik na ito sa showbiz dahil gusto ring makatrabaho ni direk Dwein ang aktor.
“Hindi naman sinabi ni direk Dwein na kasama ako?” tumawang sagot ng aktres. “Parang hindi po mangyayari o hindi ko nakikitang mangyayari. I mean itong mga ganitong tanong, gusto kong sagutin kapag nangyayari na talaga. Nananahimik ‘yung tao, irespeto natin kung nasaan siya ngayon.
“So I think it would be very unfair kung babanggitin ko ‘yung pangalan niya. Ang dami ko ring ibang ginagawa na wala rin namang kinalaman siya, so siguro gusto ko na lang iwan doon. Gusto kong irespeto kung nasaan man siya sa buhay niya ngayon.”
Abangan ang Past, Present Perfect sa iWant tuwing 12 midnight. Kasama rin sa cast sina Loisa Andalio, Vin Abrenica, Elijah Canlas, VJ Mendoza, Alorah Sasam, Eda Nolan, Amy Nobleza, Iana Bernardez, Peewee O’ Hara, Awra Briguela, Allan Paule at Romnick Sarmenta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.